MAY kasabihan na ‘the quality of your communication is the quality of your organization.’ Kung ano ang kalidad ng iyong komunikasyon, ganundin ang kalidad ng iyong organisasyon.
Kapag hindi maganda ang daloy ng mga impormasyon may problema sa mga namumuno at uri ng pamumuno ‘yan man ay sa isang departamento o ‘di naman kaya sa isang bansa.
Tulad ng nangyayari sa Department of Transportation and Communication (DOTC) na pinamumunuan ng palpakis na si Sec. Joseph Abaya. Nagsasalita ngayon sa media salungat sa sinasabi ni Pangulong Noy Aquino.
Lumalabas tuloy, sinungaling si PNoy ganundin ang Finance Secretary na si Cesar Purisima. Para bang ang presidente pa ang mali kasi hindi muna siya bumusina kay Sec. Abaya.
Hinggil ito doon sa nauna nang kinumpirma ni PNoy at Purisima na hinihingi umanong P7.5 bilyon ng Light Rail Manila Consortium (LRMC) dahil may hindi raw natupad ang gobyerno sa kontrata.
Mismong si PNoy na ang naglabas nito sa media noong nakaraang linggo. Pero itong si Abaya, naninindigan, na-misinform lang daw ang presidente.
Dagdag pa ni Abaya na acting president ng Liberal Party (LP) o ang partido ni Pangulong Aquino, baka hindi lang siya naimpormahan sa ‘day-to-day’ engagement ng DOTC at LRMC.
Posible rin daw na hindi tumpak ang naibigay na impormasyon sa kaniya ng mga chuwariwa-riwap sa Palasyo. Kulang nalang sabihin nina Abaya na inutil sina Edwin Lacierda at Abigael Valte na mga tagapagsalita ng Malakanyang.
Dito makikita kung anong uring pamumuno mayroon ang mga nakaupo sa pamahalaan. Kung hindi pabaya, sangkaterbang palpak.
Abaya naman, matatapos na lang ang termino nyo nag-iwan pa kayo ng pangit na alaala sa publiko. Tsk...tsk!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.