INAASAHAN nang marami na magbabago ang desisyon ni President Noynoy Aquino hinggil sa pagtutol sa pagbabawas ng income tax.
Marami ang umaasa sa nasabing panukala na nabibigatan na sa ipinapataw na buwis sa mga manggagawa.
Tutol kasi ang Department of Finance sa panukalang bawas income tax na tinatayang P30 bilyon umano ang mababawas sa kaban ng bayan.
Pero kung ipupirsige rin ng mga mambabatas ang panukalang income tax cut ay hindi rin ito magiging ganap na batas kung tutol ang Presidente at hindi nya lalagdaan at gamitin ang veto powers.
Kung sabagay, hindi pa naman direktang sinabi ng Presidente na ayaw niya kundi hindi pa siya kumbinsido sa panukalang bawasan ang income tax.
Sa ngayon, bukambibig na ng mga manggagawa tuwing dumarating ang araw ng suweldo na napakalaki ng kaltas sa suweldo at isa rito ang ipinataw na buwis.
Kung hindi maitataas ang suweldo ng mga manggagawa ay dito na lang bawiin sa bawas sa buwis.
Dapat pag-isipang mabuti ng Malacañang ang panukalang batas na bawas income tax dahil kung ito ay agad na maaprubahan ay tiyak na makakatulong ito sa kandidato ng administrasyon na si Mar Roxas sa 2016 presidential elections.
Si Roxas sana ang kumumbinsi sa Presidente upang agad na mapagtibay ang panukalang batas sa pagbabawas ng income tax dahil dito sa Pilipinas ang naitalang may mataas na pagbubuwis.
Napakarami sa kasalukuyan ang hindi nabubuwisan ng tama lalo na ang mga malalaking negosyante sa bansa at nakakalusot aa BIR kahit pa mahigpit umano ito sa mga taxpayers.