Alyas Bombay
FLASH Report: Ang gamit pala na sasakyan ng mga AWOL at active cops sa kanilang ilegal na gawain sa southern Metro Manila ay ang isang metallic Honda CRV model 2003 na may plakang XGG 161 at white na Toyota Avanza na may plakang ZFN 944. Ang unang may-ari ng Honda CRV ay si Ma. Victoria Soriano at ang pangalawa ay si Romeo Tumang, ayon sa records sa Highway Patrol Group samantalang ang Avanza naman ay walang record sa HPG at Land Transportation Office. Ang may dala ng Honda CRV sa ngayon ay si alyas Melvin, na taga-Sampaloc, Manila at dating pulis-Parañaque subalit AWOL na. Hinahanting din ng Parañaque police si Melvin sa kasong robbery, ayon sa mga kosa ko. Hayan NCRPO director Chief Supt. Joel Pagdilao mayroon ka ng datos para habulin ang grupo ng mga AWOL at active cops, na kung tawagin sa ngayon ay “dirty cops.”
* * *
Nasaan na kaya si Lito Guerra alyas Bombay? Ang katanungan na ito mga kosa ang kumakalat sa ngayon, hindi lang sa Camp Crame kundi sa buong bansa. Si Guerra ay isang batikang tong collector na masasabi kong halos kasing lawak ng dating kaibigan niya, ang nasirang Boy Tangkad. Ang gamay ni Guerra sa tong collection activities niya ay ang Calabarzon area subalit nagtrabaho rin siya sa Metro Manila noong kapanahunan ni dating NCRPO chief Dir. Reynaldo Varilla. Subalit ang huling trabaho ni Guerra ay sa PRO1 noong ang regional director ay mismo si PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez. Nawala sa limelight si Guerra nang ma-promote bilang hepe ng Directorate for Operations o DO si Marquez. Sa ngayon na PNP chief na si Gen. Marquez, lulutang kaya si Guerra alyas Bombay? Boom Panes! Hanggang sa ngayon wala pang balita, maging sa Calabarzon, ukol kay Guerra, hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Kung sabagay, hindi na si Guerra ang matikas na tong collector ngayon sa Calabarzon area kundi si Ryan Bacordo alyas Ryan Batangas, dahil taga Rosario siya. Sinabi ng mga kosa ko sa Batangas na isang retired police major ang nagbigay ng basbas kay Bacordo na ipangolekta ang opisina ni CIDG director Chief Supt. Victor Deona sa buong Calabarzon area. Si Bacordo din mga kosa ang kaalyado ni Atty. Gerry Asuncion, ang bagman naman ni PRO4-A director Chief Supt. Richard Albano. At ang balita sa Camp Crame, hindi lang sina Deona at Albano ang kinokolekta ni Bacordo ng weekly payola sa gambling lords at mga beerhouse at nightclub operators kundi maging ang Special Police Assistant (SPA) at Office of the Internal Security (OIS) ng DILG, at kasama na dito ang media at ang NBI ng Calabarzon. Boom Panes! Hehehe! Sobrang lawak ng tabakuhan ni Bacordo ah, di ba mga kosa?
Uulitin ko mga kosa, ang gamit ng tandem na Bacordo at Asuncion sa pagkolekta ng lingguhang payola ni Albano sa Calabazon ay si Tita na ang bata ay si SPO2 Greg Oruga sa Laguna; si PO2 Dhong Vecario sa Batangas; sa Rizal at Cavite ay si PO2 Tony Villacorta nan aka-assign sa RPHAU ng NCRPO, at si ret. SPO2 Freddie Rey sa Quezon. Ano ang nangyari sa kampanya ni Marquez laban sa dirty cops eh hindi natitinag ang mga tong collectors sa hanay ng PNP? Boom Panes!
Kung sabagay, hindi na dapat lumayo pa si Marquez, dahil sa Metro Manila mismo ay aktibo rin, hindi lang ang mga AWOL at active cops sa pang-dorobo sa ordinaryong mamamayan kundi pati na sa mga ilegalista. Kailan kaya uumpisahan ni Marquez na lipulin ang dirty cops? Ang tagal naman! Teka nga pala, magkikita pa kaya si Marquez at ang bata niya na si Guerra? Abangan!
- Latest