Kahapon hinatulan ng Calamba City Regional Trial Court ng habambuhay na pagkabilanggo ang negosyanteng si Jose Ma. Panlilio kaugnay sa kasong pagpaslang sa magkapatid na sina Albert at Arnel may 12 taon na ang nakakaraan.
Sa wakas , nakamit na rin ang matagal nang hinahangad na hustisya.
Nasubaybayan ko ang kasong ito.
Nakita ko ang ginawang pagsasakripisyo at pagpupursigi sa kaso ng ina ng mga biktima na si Atty. Carmencita de Castro.
Grabe ang ginawang pagtutok sa kaso ni attorney, na hindi tumigil para makamit ng kanyang mga pinakamamahal na mga anak ang katarungan.
Kahapon sa isinagawang promulgation ng kaso hindi napigilan ni Atty de Castro na mapaiyak sa tuwa nang marinig ang desisyon ng korte.
Si Panlilio ay itinuturong pumatay sa magkapatid noong 2003. Itinapon ang bangkay ng magpakatid sa Brgy. Makiling sa Calamba, Laguna.
Sinasabing may dalang malaking halaga ang magkapatid noong araw na maganap ang krimen na nawala rin.
Matagal na nagtago si Panlilio, kasabay nito hindi naman tumigil si Atty. de Castro. Iba’t-ibang lalawigan ang tinungo niya dala ang larawan ng akusado na idinidikit nya sa kung saan-saan para makatulong sa pagtugis dito, kasabay nang pagkakaloob ng pabuya sa sinumang magkapagtuturo sa kinaroroonan nito.
Taong 2010 lamang nang madakip si Panlilio sa bansang Thailand dahil sa paglabag sa migration law matapos na gumamit ng pekeng pangalan na Fernando Oblasa sa pasaporte nito.
Nagawa nitong makalabas ng bansa gamit ang tatlong ibat-ibang passport na may ibat-ibang pangalan. Ibinalik ito sa bansa at ikinulong sa National Bilibid Prison matapos na unang mahatulan sa kasong estafa sa Mandaluyong City Regional Trial Court.
Hindi nagkamali si Atty de Castro na makakamit at makakamit ng kanyang dalawang anak ang hustisya.
Nakakabilib ang hindi matatawarang sakripisyong ginawa ni attorney sa kasong ito. Saludo kami sa inyo ma’am.