Mandurugas ng mahirap

Kailan lalaya sa hirap at dusa

mga kapus-palad nitong ating bansa?

Maraming ang hangad sila’y guminhawa

sa hirap ng buhay na ngayon ay dapa?

 

Marami sa bayan at baryo ngayon

bahay ng mahihirap ginigiba roon;

mga mayayaman lagi nang may patron

na taong gobyernong asal ay simaron;

 

Hangad ng mayaman makuha ang lupa

sasabihing kanila’t may titulo siya;

bahay ng mahirap ipinagigiba

kaya ang mahirap nasa tabing-sapa!

 

Ganito ang buhay ng mga mahirap

na walang tahana’t sa pero ay salat;

kaya kung eleksyon sila’y naghahangad

pera ng candidate na kilalang korap!

Show comments