Pinirmahan na ni Pangulong Noynoy Aquino para tuluyang maging batas ang pagbabawal sa mga bata na iangkas sa motorsiklo sa lahat ng national at provincial highways sa bansa.
Kamakalawa ay nilagdaan na nga bilang batas ang Republic Act 10666, o ang Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015 . Ito ang pinagsamanag Senate Bill 2488 at House Bill 4462.
Kaya, sa mga matitigas ang ulo na isinasapalaran pa rin sa motorsiklo ang kanilang mga paslit na anak, aba’y dapat eh alamin ninyo ang nakapaloob sa batas na ito.
Dahil kapag nahuli ang multa ay magsisimula sa P3,000 hanggang P10,000.
May suspension din sa lisensya sa mahuhuling driver at sa ikaapat na paglabag ay tuluyan nang pagbawi sa lisensya ang ipapataw.
Layunin ng batas na ito na mabigyang proteksyon ang mga bata sa anumang panganib sa daan para sa kanilang kaligtasan.
Exempted naman dito, kung abot ng paa ng bata ang foot peg ng motorsiklo, gayundin kung kayang iyakap ng bata ang kanyang mga kamay sa likod ng rider at kailangan na may suot siyang helmet.
Hindi rin ipapatupad ang provision ng batas sa mga emergency cases, kabilang madaliang medical attention.
Ngayong tuluyan na itong batas, ang pagpapatupad naman ang siyang dapat na matutukan.
Dahil sa ilang lugar kung saan may ipinatutupad nang ordinasa na kahawig nito ang nababalewala dahil sa wala namang humuhuli.
Dapat lang mabigyan ng proteksyon ang mga bata sa posibleng panganib na kanilang kinakaharap sa tuwing nakaangkas sila sa motorsiklo.
Huwag na nating ipagsapalaran ang kaligtasan ng mga paslit.