“PINALIGAYA mo ako, Sam!” sabi ni Levi at tangkang hahawakan ang kamay ni Sampaguita pero iniiwas iyon ng dalaga.
“Hep, teka, Levi kahit na sinagot na kita hindi puwede ang paghawak sa akin. Saka na lang.’’
“Oh sorry, Sam. Hindi ko napigil ang sarili ko.’’
“Ganyan ka siguro kabilis sa mga naging babae mo.’’
“Hindi naman, Sam. Hindi ko lang talaga napigilan ang damdamin dahil masayang-masaya ako.’’
“Mabuti na ang nalalaman mo, Levi. Gusto kong mapanatili ang kabirhenan hanggang sa araw ng kasal. Kahit modern na ang panahon ngayon, naniniwala pa rin ako na dapat ma-preserve ang kabirhenan. Ito lamang ang tanging pag-aari na dapat ay pag-ingatan ng babae. Huwag munang ibibigay hangga’t hindi nakakasal.’’
“Pinahanga mo ako, Sam. Ngayon lang ako nakarinig ng ganito. May babae pa palang tulad mo.’’
“Ah siguro’y lagi mong nilalamangan ang mga naging karelasyon mo. Akala ko ba’y ikaw ang niloko ng mga babaing nakaugnayan mo?’’
“A e oo, ako nga ang sinaktan nila. Ibig kong sabihin, mayroon pa palang babaing may pagmamahal sa puri. Iyon ang ibig kong sabihin.’’
Pero hindi kumbinsido si Sam. Nahuhuli niya sa bibig si Levi. Mapagsamantala ito.
“Basta maliwanag ang usapan natin, Levi. Wala munang hipo o halik at ano pa man habang magkasintahan tayo. Kapag nakasal na lang tayo at iyon ay kung handa na ako.’’
“Pakasal na tayo Sam. Kahit bukas, puwede akong magpareserba sa Simbahan at hotel. Ano Sam?’’
“Hindi pa puwede, Levi. Ako ang madedesisyon.’’
Nanlumo si Levi. Walang magawa.
“Okey Sam. Ikaw ang masusunod.’’
“Sige Levi, magpapahinga pa ako. Magbalik ka na lang bukas.’’
“Kumain tayo sa labas puwede.’’
“Pag-iisipan ko pa.’’
Napakamot sa ulo si Levi. (Itutuloy)