MADALAS ng magkaroon ng balita mula sa China tungkol sa mga gusaling napakabilis maitayo. Halimbawa na ang isang skyscraper doon na napabalitang nabuo lamang sa loob ng 19 na araw.
Ngayon ay ukol naman sa pagtatayo ng bahay ang bagong imbensyon mula sa nasabing bansa. Nakakamangha ang bagong tuklas na paraan na ito dahil tatagal lamang ng 3 oras ang konstruksyon ng isang bahay na may dalawang palapag.
Dinebelop ng kompanyang Zhouda Group ang bagong paraan na ito ng pagtatayo ng mga bahay. Nito lamang Hulyo 17 ay nagawa nilang maipakita sa publiko kung paano nilang naitayo ang isang two-storey villa sa loob lamang ng 3 oras.
Pre-fabricated na kasi o nagawa na ang bawat bahagi ng bahay bago pa sinimulan ang konstruksiyon nito. Pagdating sa construction site ay madali nang naipagkakabit-kabit ang mga ito na parang mga laruang Lego kaya napakabilis nilang nabubuo ang kanilang mga itinatayong bahay.
Ginagawa nila ang bawat bahagi ng bahay sa isang factory sa pamamagitan ng 3d-printing at hindi sila gumagamit ng semento na karaniwan nang gamit sa konstruksiyon. Sa halip ay gumagamit sila ng isang sikretong materyales na ayon sa kanila ay mas matibay at mas mura sa semento.
Wala raw dapat ikabahala ang mga titira sa mga bahay na kanilang itatayo dahil sa kabila ng mabilis na pagkakatayo ng mga ito ay matitibay pa rin ang mga ito hindi guguho kahit tamaan pa ng matitin-ding lindol. Ipinagmamalaki rin nilang walang halong mga nakakalasong mga kemikal ang kanilang sikretong materyales at kaya nitong tumagal nang 150 taon.
Ipinapa-patent na ng kompanya ang kakaibang paraan ng kanilang pagtatayo ng bahay at plano na nilang gamitin ito sa napakaraming tahanan na kanilang planong itayo sa China.