‘Nalubak na rider’
ISANG hakbang na lang mararating mo na ang rurok ng tagumpay, may hahatak pa sa iyo’t babagsak ka sa iyong pinanggalingan.
“Ako na nga ang gumagawa ng lahat ng trabaho tapos tatanggalin nila ako. Yung mga anak ko naiwang nakahiga sa semento dahil sa ginawa nila,” wika ni June.
Halos limang taon nang nanunungkulan sa KMT Philtrade Inc., si Junerando “June” Chavez, 43 taong gulang, nakatira sa Quezon City. Sa Motolite siya nadestino. Isang tindahan ng mga baterya ng sasakyan. Matapos daw siyang bigyan ng mas mataas-taas na posisyon ay ibabalik siya ng mga ito sa pagiging rider. Ito ang bagay na tinutulan ni June dahil giit niya baka hindi na ito kayanin ng kanyang katawan. Nagsimula siya magtrabaho sa kompanya taong 2009. Nagsimula siya bilang rider/trainee na Php200 sahod bawat araw. Maliit man ang kita sa tip na lang daw sila bumabawi.
“Bumagyo man o umaraw nagtatrabaho kami. Naranasan ko pang madaanan ang mga patay at lumusong sa putik nung bagyong Ondoy,” pahayag ni June. Pagkalipas ng ilang buwan naging regular na si June. Kung trabaho lang daw ang pag-uusapan wala siyang naging problema. Ang ini-angal niya lang ay ang hindi pagbibigay ng benepisyo sa kanila gayung ibinigay niya na ang kanyang SSS number.
“Kinausap ko na ang sekretarya na si Vanessa. Sagot sa ‘kin inaayos na daw nila,” ayon kay June. Sa trabaho nilang ito kailangan nilang maabot ang bilang ng produktong dapat mabenta (quota). Nang malipat siya sa Sta. Rosa, Laguna na tindahan nahirapan siyang maabot ito dahil puro pampribadong sasakyan ang nagdadaan na hindi naman gaanong kailangan ng baterya. Ginagawa din daw ang kalsada nun kaya’t walang gaanong dumadaan. “Ilang beses na nila akong nilipat-lipat hindi ko alam kung bakit. Pati pamilya ko kasama ko na,” kwento ni June.
Taong 2014 nang padalhan daw siya ng memo na ibabalik siya sa Maynila at magiging rider na lang mula sa kasalukuyang posisyon na ‘outlet coordinator’. Hindi pumayag si June dahil ‘high blood’ siya. May mga medical records naman daw siya sa kompanya. Nababahala siya na baka habang naghahatid siya ng baterya ay tumumba na lang sa sobrang init. “Nagalit sila sa ’kin at binigyan ako ng violation na insubordination,” ayon kay June.
Ikalabing apat ng Mayo 2014 nagsabi ang opisina sa kanya na may auditing sa tindahang kanyang binabantayan. Nagulat na lang siya nang may dumating na malaking trak. “Tiningnan ng Supervisor naming si Adryan Reyes lahat ng nasa tindahan at sinabi niya na may pag-uusapan daw kami,” wika ni June. “Tanggal ka na sa serbisyo,” sabi daw sa kanya ni Adryan. Hindi makapaniwala si June dahil wala man lang suspensiyon na ipinataw sa kanya. Naisip niyang kung aalis lang siya bigla ay baka maipit siya sa huli kaya’t minabuti niyang magtungo sa barangay upang ipa-blotter na walang kulang sa stocks ng tindahan.
“Kinuha na nila ang mga gamit dun at pinakiusapan ko ang drayber na isabay na gamit namin. Pumayag naman siya at inihatid niya ako sa bahay ng kapatid ko,” kwento ni June.
Hunyo 26, 2014 nagpunta siya sa National Labor Relations Commission (NLRC).
‘Illegal Dismissal’ at paghingi ng kabayaran sa ‘Separation Pay, Holiday Pay, Service Incentive Leave Pay, Moral and Exemplary Damages, Over time pay at Rest Day pay’ ang isinampa ni June. Nagsumite ng kani-kanilang ‘position papers’ ang bawat panig. Depensa ng kompanya ilang ulit na daw siyang pinaalalahanan na kailangan niyang maabot ang kanyang quota. Nakipagsagutan din daw siya sa kanyang supervisor at ayaw niyang ibigay ang mga baterya kaya ganun ang naipataw na parusa sa kanya. Nagbigay naman sila ng tatlong memorandum kay June para sa mga paglabag na ito.
Noong ika-30 ng Oktubre 2014 naglabas ng desisyon si Labor Arbiter J. Potenciano F. Napenas Jr. Dismissed ang inihain niyang Illegal Dismissal dahil sa ‘Lack of Merit’ habang inuutusan naman ang kompanya na bayaran si June ng Php27,500.98 para sa Holiday Pay, Service Incentive Leave at 13th Month pay.
“Hindi ako makakauwi sa Camotes sa halagang yan. Kulang na kulang sa naging trabaho ko,” ayon kay June.
Inapela ito ni June at naghihintay pa siya ng sagot dito. Ang tungkol sa hindi paghuhulog ng kanyang SSS ang isa din sa inilapit niya sa amin. Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni June.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, bago ka tanggalin sa iyong trabaho kung totoo mang may paglabag kang ginawa dapat dumaan yan sa ‘due process’. Una hihingan ka dapat ng pagkakataon upang magbigay ng iyong panig. Matapos nito ay ang SUSPENSION at bago ang pinakahuli dito ay ang pagtatanggal sa ‘yo. Sa kabilang banda ayon sa iyong employer ginawa nila lahat ito at naisyuhan ka ng lahat ng mga memorandum. Kailangan na lamang hintayin ang desisyon ng NLRC sa kanyang Motion for Reconsideration at kung hindi ito baliktarin ng ‘arbiter’ maari niyang ipanik ito sa Court of Appeals para tignan kung meron mga mali sa desisyon ng NLRC. Ang tungkol naman sa iyong mga benepisyo kung nahuhulog lamang nila ito ay magagamit mo sana para sa iyong sakit. Malinaw dito na nagkaroon sila ng paglabag sa SSS Law ang RA 8282 kaya’t ini-refer namin siya sa SSS Main Office kay Ms. Lilibeth Suralvo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest