Mga magulang sa India, nag-ala Spider-man para matulungang makapandaya sa exam ang mga anak

PANGKARANIWAN na ang pandaraya sa mga exam sa lugar ng Bihar sa India ngunit sa kabila nito ay marami pa rin ang nagulat sa desperasyon ng ilang magulang sa nasabing lugar para lamang masigurado na makakapasa ang mga anak nila.

Umabot sa humigit-kumulang na 300 katao ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa malawakang pandaraya sa isang exam na kinukuha ng mga 10th at 12th graders sa India.

Karamihan sa mga inaresto ay mga magulang na nag-ala Spider-Man nang kanilang akyatin ang tabi ng gusali kung saan kinukuha ng kanilang mga anak ang pagsusulit. Nagsiakyatan sila upang maihagis sa mga bintana ng mga silid ang mga kodigo ng mga sagot sa exam.

Desperado ang mga magulang na matulungan ang ka­nilang mga anak na maipasa ang nasabing exam dahil isa ito sa mga pinaka-importanteng pagsusulit na kukuhanin ng isang estudyante sa India. Ang makukuhang score ng estudyante sa exam ang magpapasya kung makakapasok siya sa mga prestihiyosong unibersidad sa India at kung makukuha niya ang mga kursong katulad ng engineering at medisina.

Kaya naman napakaimportante para sa maraming mahihirap na magulang sa India na makakuha ang kanilang anak ng mataas na grado sa exam na iyon dahil maaring iyon lamang ang tanging paraan nila upang makaahon sila mula sa kahirapan.

Mukha namang walang balak ang mga kinauukulan sa Bihar na bigyan ng mabigat na parusa ang mga naarestong magulang dahil pinauwi rin ang mga ito matapos silang bigyan ng warning na huwag na nilang uulitin ang kanilang ginawa.

 

Show comments