‘Sarili mo…niloloko mo!’

KAKULANGAN sa kaalaman, hirap sa kalagayan ng buhay at kagustuhan umaangat ng mabilis, ito ang mga elementong para sila ay mamataan ng mga manloloko.

 “Siya daw ang tunay na Ferdinand Marcos, hindi yung namatay. Ayaw niya lang lumantad dahil baka pagkaguluhan siya. Ang kayamanan daw ng mga Marcos ay para sa mahihirap,” pahayag ni Beverly.

Taong 2009 nang makilala ni Beverly Velasco, 35 taong gulang, nakatira sa Valenzuela City ang lider ng kanilang grupo na si Arjay Alondres.

“Magkakasama kasi kaming na-relocate nuon. Kasama niya ang nanay niya na si Ruby Rosa. Yun ang talagang madalas magsalita sa amin,” ayon kay Beverly.

Inalok sila ni Arjay na sumali sa kanilang grupo at ang kanilang magandang layunin sa ikabubuti ng mga mahihirap. Sabi nito may insurance daw sila at may matatanggap silang Php100,000 kada buwan. Bukod pa doon may paghahatian pang pera ang lahat ng miyembro ng ‘Amigo Pilipinas’. Sa ganda ng makukuha nilang benepisyo at sa pag-asang makakaahon sila sa kahirapan kumagat sina Beverly sa sinasabi ng mga ito. Halos buong pamilya at kabarangay nila ay sumali na din dito.

“Bago kami maging miyembro kailangan magbayad kami ng Php4,800 bawat isa. Kapalit daw nun ay ang anim na tseke na paghahatian naming lahat,” ayon kay Beverly.

Ilang linggo ang nakalipas ay ipinakilala na sa kanila ang may-ari umano ng Amigo Pilipinas na si Andrew Marcos Fernandez nang ayain daw sila sa bahay nito sa Bulacan. May kondisyon na kailangan para matanggap sila sa samahan. Para sila tuluyang maging miyembro magamit ang ilang mga benepisyo kailangan daw muna nilang bumili ng ilang kagamitang binebenta nila. Ang uniporme na nagkakahalaga ng dalawang daang piso at may kwintas din na isang daan. Maliban pa dito may sertipiko pa daw sila na iba-iba naman ang itsura na nagsasabing miyembro sila ng nasabing organisasyon.

“May pinapabayaran din sa ‘min na pangbukas ng account sa Bangko Sentral. Isang libo ang ibinigay ko para sa ‘ming dalawa ng asawa ko,” pahayag ni Beverly. May ipinapakita din sa kanilang form na kapag sinagutan nila lahat ito ay maaari na silang makapagtrabaho sa ibang bansa. Nakita ni Beverly ang nakalagay na Edmark sa ibang form. Sa pagkakaalam niya ang Edmark ay distributor ng kape at ‘beauty pro­ducts’. Binentahan pa daw sila ng tiket sa ‘convention ng Edmark’ at tatlong beses silang dumalo doon. Nagtanong si Beverly ngunit yun daw ay para sa mga taong gustong mag-apply ng trabaho sa ibang bansa.

“Maliban pa dun may binigay pa siya na form. Baka daw may kamag-anak kaming gustong magpulis sabihin lang sa kanya. May baril, sapatos, uniporme at training na daw. May ipinakita pa siyang badge sa ‘min,” sabi ni Beverly. Kailangan lang daw nilang magbayad ng Php6,500 at sila na ang bahala sa aplikasyon. Kahit hindi daw nakapag-aral ang tao ay magagawan nila ito ng paraan. Nang ilang buwan na silang miyembro ng Amigo Pilipinas ay nagsimula nang magtanong si Beverly sa sinasabi ng mga ito na makukuhang pera. “Malapit na, hintay lang kayo” ang palaging isinasagot sa kanila. Nagsimula nang magduda si Beverly sa gawaing ito. Tuwing may pupuntahan silang lugar para magpulong may ibinebenta pa sa kanilang kung anu-anong bagay bago pumirma ng ‘attendance’.

“Umasa pa din ako dahil may mga kasamahan akong nagsasabi na nangako si Andrew na malapit na nilang makuha ang pera. Hindi lang ako nagbayad ng Php4,800 pero ang sabi nila mas maraming magbaba­yad mas malaki daw ang makukuha naming pera,” kwento ni Beverly.

May ibinibigay pang certificate sa kanila at pinapabayaran ito ng limang daang piso. Kahit saang bangko daw nila ito dalhin ay makakakuha sila ng pera basta nasa kamay na nila ang tseke. Hindi din daw naglakas ng loob s i Beverly na magsumbong o magreklamo dahil tinatakot sila na sa oras na gawin nila ito ang mga kasapi nilang NPA na ang bahala.

“Nung nakaraang taon na­ngako sila na Disyembre may makukuha na kaming pera. Hindi naman nagkatotoo. Ang sabi pa sa amin mahirap daw kasing kunin ang kayamanan ni Marcos,” salaysay ni Beverly.

Taong 2014 palihim na nagpunta si Beverly sa bangko dala ang sertipiko. Nalaman niya na may nagpunta na din doon na nakatira sa malayo pang lugar na dala din ang ganyang uri ng dokumento.

“Wala daw katotohanan yun sabi ng taga bangko. Kinausap ko na kaagad sina Arjay na kung pwede kunin ko na lang lahat ng ibinayad namin sa kanila,” ayon kay Beverly.

Nangako pa daw ang mga ito sa iba nilang kasamahan na itong dara­ting na mahal na araw ay makakakuha na sila ng pera. Sinubukan daw magpunta ng kanilang ka­kilala sa bahay nito at laging wala daw doon si Andrew. Hanggang sa probinsiya ay nagre-recruit daw ito at may makukuhang pera ang makakapagpasok pa ng tao sa samahan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Beverly.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa unang salita pa lamang dapat nag-isip ka na. Sa dami ng pinapabayaran sa inyo na tila binebentahan lang kayo ng kung anu-ano. Yun lang magre-recruit ng ibang miyembro, ‘scam’na yan. May mga sertipiko pa silang ginamit na nagpapatibay na sila ay isang ‘organized group’ at ito ang modus nila. Kung may lima sa inyo na sama-samang magrereklamo, ma­aring pumatak ito na ‘Large Scale Swindling’. Kapag nakitaan ang mga ito ng probable cause, walang piyansa ang katapat nito. Bilang tulong inirefer namin si Beverly kay PSSupt. Rudy Lacadin, Deputy Director for Operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Ang mga kababayan nating salat sa pera at desperadong maka-angat ang buhay ang mas madaling magoyo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments