Manong Wen (234)
HINDI kalayuan ang bahay ni Mam Violy mula sa Paco Market kung saan naroon ang kanyang tindahan. Alanganing sumakay ng dyipni o traysikel. Mula pa noon, talagang nilalakad lamang niya ang pauwi sa bahay at ganun din sa pagpasok. Mahusay na ehersisyo ang paglalakad. Sa araw-araw na paglalakad ay napanatili niya ang slim na pangangatawan. Kahit 60 na siya, may porma pa rin ang katawan niya.
Ngayo’y binibilisan niya ang lakad dahil pakiramdam niya, may sumusunod sa kanya. Hindi siya lumilingon. Hindi siya nagpapahalata kung sino man ang taong nasa likuran niya. Basta tuluy-tuloy siya sa paglalakad.
Hanggang sa matanaw niya ang gate ng kanyang bahay. Hindi pa rin siya lumilingon.
Nang makarating sa gate ng bahay, dali-dali niyang dinukot ang susi at sinusian ang gate. Habang sinususian, parang may taong nakatingin sa likuran niya. Nararamdaman niya.
Nabuksan ang gate. Pumasok siya at agad din niyang isinara iyon. Nakahinga siya nang maluwag.
Sinubukan niyang silipin sa siwang ng gate kung mayroon ngang sumusunod sa kanya. Wala naman! Guniguni lang kaya niya na mayroong sumusunod at nakatingin sa kanya.
Pumasok siya sa loob ng bahay. Wala pa ang kanyang anak na si Noime. Mamaya pa ang uwi sapagkat galing pa sa Makati. Natrapik na naman marahil si Noime. O baka may tinatapos na trabaho. Mula nang ma-promote si Noime ay marami nang responsibilidad. Mayroon siyang hawak na mga tao.
Dinukot niya ang susi para sa main door. Sinusian. Nabuksan. Pumasok siya at mabilis na sinara. Binuksan ang ilaw. Bumaha ang liwanag. Naupo siya sa sopa. Sana dumating na si Noime, naisip niya. Natatakot siya. Bakit bigla siyang natakot gayung araw-araw ay nag-iisa siya sa bahay ng ganitong oras.
Pinilit niyang alisin ang takot.
Hanggang sa maisip niya ang nangyari kanina kung saan ay nakabangga niya ang lalaking nanghihingi ng protection money. Binantaan siya ng lalaki. Babalikan daw siya. Humanda raw siya kay Colonel. Masama raw magalit si Colonel.
Hindi kaya ang sumusunod sa kanya ay ang lalaki? Inaalam kung saan siya nakatira?
Posible! Mukhang hindi siya titigilan ng lalaki. Guguluhin siya.
Pinakalma ni Mam Violy ang sarili. Hindi siya dapat matakot. Kailangan ay ma-ging handa siya sa lahat nang oras.
Baka napahiya ang lalaki at balak na siyang gantihan ngayon.
Hanggang sa makarinig siya ng ingay mula sa labas. Galing sa gate ang ingay. Hindi kaya ang lalaki ang sumusunod sa kanya?
(Itutuloy)
- Latest