EDITORYAL - Nagkalat na naman mga palaboy
MARAMI na namang palaboy sa kalye ngayon at dumarami pa nang dumarami. At sa nangyayaring ito, maitatanong kung ano ang ginagawa ng Depart-ment of Social Welfare and Development (DSWD)?
Nang bumisita si Pope Francis sa bansa noong Enero 19, walang nakitang palaboy sa mga dinaanang ruta ng Santo Papa. Limang araw nanatili ang Papa sa bansa at walang nakitang palaboy sa kalye. Bigla silang nawala.
‘Yun pala, dinala ang mga bata sa isang resort sa Batangas – sa Chateau Royale, at doon binigyan ng pagkain, damit, laruan at kung anu-ano pang kaila-ngan nila. Ang nagdala sa Batangas ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Inamin naman ng DSWD na taun-taon ay dinadala nila ang mga batang palaboy at kanilang pamilya sa beach resort.
Walang masama sa ginawa dahil pinaligaya ang mga bata at kanilang mga magulang. Ang masakit, pagkaraan ng “outing” ay balik naman sa kalye ang mga bata at pati mga magulang. Namutiktik sa mga batang kalye at pulubi ang mga kalsadang dinaanan ng Santo Papa.
Parang tinapalan lamang ng band-aid ang bahaging may sugat at pagkatapos ay balik na naman sa dati. Wala bang permanenteng solusyon ang DSWD sa mga batang kalye. Kapag may mga diplomat na darating sa bansa, itatago ang mga batang kalye at pulubi.
Kamakailan, sinabi ng DSWD na nabawasan na raw ang mga batang palaboy at mga pamilyang nasa kalye. Ito raw ay dahil kabahagi sila sa conditional cash transfer (CCT) program ng gobyerno. Ayon kay Soliman, bilang kabahagi ng CCT, nire-relocate ang mga palaboy sa isang government housing at tinuturuan ang mga ito na kumita o magnegosyo at mamuhay nang marangal.
Hindi kami naniniwala na nabawasan ang mga palaboy. Kung papasyalan ng DSWD ang likod ng Post Office sa Maynila, makikita roon ang maraming pamilyang naninirahan. Sila ang patibay na patuloy ang pagdami ng mga pulubi.
- Latest