ANG Marso ay idineklarang Fire Prevention Month upang ialerto ang publiko laban sa sunog.
Pero kung bakit inaalerto ay lalo pang dumadami ang insidente ng sunog sa bansa lalo na sa Metro Manila at iba pang siyudad at bayan.
Dito sa Metro Manila ay mahirap talaga iwasan ang mga sunog lalo na sa mga lugar ng mga informal settler dahil na rin sa hindi maayos ang kanilang kawad ng kuryente.
Hindi naman dumaan sa kamay ng mga electrical engineer ang plano ng kuryente sa bahay ng mga informal settler kung kaya may panganib talaga sa sunog.
Tanging ang mga malalaking bahay lang ang masasabing may plano sa electrical pero minsan ay nabibiktima pa ng trahedya ng sunog eh lalo na ang masang Pilipino na ang bahay ay gawa sa light materials.
Sana kung magkakaroon ng proyekto ang mismong mga lokal na pamahalaan na gabayan ang bawat kabahayan sa kanilang lugar lalo na sa lugar ng mga mahihirap ay makakabawas upang maiwasan ang sunog.
Kadalasan kasi ay faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na ang ibig sabihin ay hindi maayos ang linya ng kuryente.
Bagamat may mga insidente rin sanhi ng LPG at mga natumbang gasera o kandila ang dahilan ng sunog.
Bukod sa pag-alerto sa publiko, pinakamahalaga rin na ma-improve ang bilis ng pagresponde ng mga kagawad ng Bureau of Fire Protection kapag mayroong sunog sa isang lugar.
Panahon na rin upang higpitan ng lokal na pamahalaan ang mga lugar na kahit informal settler ang mga residente ay may sapat na sukat ang mga eskinita na madadaanan ng fire truck.
Kung hindi ito maisasaayos ay asahan na malabong mapababa ang insidente ng sunog lalo na sa Metro Manila.