‘Anak na lapastangan sa magulang’
NAKAKALUNGKOT na maraming anak ang bastos, balahura at lapastangan sa mga magulang. Kung bastusin, akala, kaya nilang tapalan at bayaran ang mga sakripisyo, pagod, pagmamahal at paraan ng pagpapalaking ginawa sa kanila.
Nakaranas lang ng kaunting kaginhawaan sa buhay na utang na loob rin naman sa kanilang mga magulang, nakalimot na na ang kinakausap at minamaltrato, mismong ang mga naglabas sa kanila sa mundong ibabaw.
Hindi na ito bago sa BITAG. Marami na kaming nae-engkwentro at naidokumentong ganitong uring kaso lalo na sa People’s Day namin sa BITAG Headquarters tuwing Miyerkules.
Ang mga pobreng magulang, sa halip na nasa bahay na lang at nagpapahinga dala ng katandaan, pinipilit pa rin talagang tumayo at magtungo sa aming tanggapan para lang maisumbong ang kabastusan ng kanilang anak.
Bilang isang Kristiyanong mamamahayag, ako’y naniniwala na ang mga anak na bastos, hindi susuwertehin bagkus mamalasin at susumpain ng Diyos. Nakasulat ’yan sa Bibliya.
Tulad na lang nitong mga nakaraang araw sa T3 sa programa naming mga ’tol. Pumunta ang mag-ama sa amin na sa anumang kadahilanan, maaaring ilan sa milyu n-milyong nakikinig, naniniwala at nagtitiwala sa aming prinsipyo at adbokasiya, isinumbong ang kupal na anak na pulis.
Pinagbabantaan daw silang patayin at sasaktan dahil lamang sa lupa. Gusto nitong anak na PO3 na hindi ko na papangalan kahit papaano titirahan ko pa rin ng kaunting kahihiyan, kamkamin na ang lupa kahit buhay pa ang kanilang mga magulang.
Naturingang propesyunal pero ang ugali, mas mabaho pa sa putik at dumi ng baboy. Tsk…tsk!
Itong ganitong klaseng anak na bastos, walang utang na loob at lapastangan sa magulang, dapat tinuturuan ng leksyon. Balang-araw, makakahanap ka rin ng bruskong makakatapat mo. Bahala na ang Diyos sa inyong kapalaran.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest