Manong Wen (198)

PINAGMASDAN ni Die­go ang mga tuyong patak ng dugo sa damuhan at lupa. Hindi pa naman gaanong tuyung-tuyo ang mga iyon. Pula pa rin ang kulay. Kung matagal na ang dugo, dapat ay itim na ang mga iyon. Ibig sabihin, hindi pa nagtatagal nang dumaan dito ang taong tumutulo ang dugo. Si Jo na kaya ang may-ari ng tuyong dugo? Posible. Sabi ni Princess, iniwan nila malapit sa punong Banaba si Jo habang nakikipaglaban sa dalawang kidnappers. Arnis lamang ang armas ni Jo. Nang tumatakbo na sila palayo sa lugar na ito ay nakarinig sila ng putok. At makalipas ang ilang minuto, nakita nilang nasa likuran na ang dalawang kidnappers. Wala si Jo! Kaya maaaring binaril si Jo at bumulagta na lamang sa damuhan na malapit sa Banaba.

Kung kay Jo ang mga dugo, hindi kaya naubusan na siya ng dugo at namatay na rito? Pero kung namatay, nasaan ang kanyang bangkay? Bakit wala siyang makita at tanging tuyong dugo lamang ang nakita niya?

Hindi kaya namatay at kinain ng mga ligaw na hayop ang kanyang katawan. Kumakain ng tao ang mga baya­wak at maski ang mga uwak. Pero hindi naman agad-agad mauubos ang bangkay kung uwak at bayawak lang. Bakit wala man lang bahagi ng katawan na nagkalat.

Sinundan pa niya ang mga patak. Malayu-layo na ang nararating niya dahil sa pagsunod sa mga patak.

Hanggang sa makarinig siya ng lagaslas ng tubig. Sapa! Malinaw ang tubig.

Naputol ang patak nang sumapit sa sapa. Sa tantiya niya, hanggang hita ang tubig.

Tumawid siya. Bakasakaling sa kabila ng sapa ay naroon si Jo.

Pero wala siyang nakita.Wala na rin ang mga patak!

Naghanap pa siya sa paligid pero wala siyang makita. Nasaan na kaya si Jo?

Ipinasya na niyang umuwi. Dumidilim na. Delikadong abutin ng dilim dito.

Nalungkot siya na walang maibabalita kay Princess ukol kay Jo. Ano kaya ang sasabihin ni Princess?

(Itutuloy)

 

Show comments