ANG sukang puti ay gawa sa acetic acid. Mabisa itong panlaban sa fungal infection at puwede rin sa mga may diabetes at matataba.
1. Impeksyon sa tainga o swimmer’s ear.
Ang swimmer’s ear ay isang makating impeksyon sa butas at labas ng tainga. Ito’y nakukuha sa pagligo sa maruming swimming pool o sa dagat. Para gamutin ito, maghalo ng 1/2 kutsaritang sukang puti, 1/2 kutsaritang alcohol at 1/2 kutsaritang tubig na malinis. Itagilid ang ulo at ipatak ito sa loob ng tainga. Hayaan itong manuot ng 1-2 minuto bago ipatulo ang suka palabas. Gawin ito ng 2 beses sa maghapon hanggang gumaling ang impeksyon. Tandaan: Huwag itong gagawin kung posibleng butas ang iyong eardrum.
2. Athlete’s foot o alipunga.
Ang alipunga ay isang impeksyon sa pagitan ng daliri ng paa. Nagbabalat ito at medyo makati din. Nakukuha natin ito kapag laging basa o pawis ang ating paa. Para magamot ito, maghalo ng 1 basong sukang puti at 1 basong tubig sa isang palanggana. Ibabad ang iyong paa ng 15 minuto, 2 beses sa maghapon. Tuyuin ang paa maigi pagkatapos ibabad. Puwedeng pahiran ng alcohol ang paa para mapatay din ang mga bacteria. Gawin ito ng ilang araw hanggang sa mawala ang alipunga.
3. Vaginal yeast infection o impeksyon sa puwerta.
Minsan, ang mga babae ay nagkakaroon ng makati at puting discharge sa kanilang puwerta. Puwedeng makuha ito sa paggamit ng nylon na panty at pantyliner. Kailangan ding laging maghugas pagkatapos umihi o dumumi. Para magamot ito, nagbibigay ang doktor ng anti-fungal suppository. Ngunit kung walang pera, puwedeng maghalo ng 1 kutsarang sukang puti sa 2 basong maligamgam na tubig. Gamitin ito para hugasan ang loob at labas ng puwerta (douching). Gawin ito ng 2 beses sa maghapon at sa loob ng 5-7 araw. Kapag gumaling na ang impeksyon, tigilan na ang paghugas sa loob ng puwerta, dahil nakasasama din ito sa katagalan. Kumain din ng isang tasang Yogurt sa loob ng 5 araw para manumbalik ang lactobacillus, ang mga good bacteria ng ating katawan.
4. Kulugo o warts.
Mahirap gamutin ang kulugo. Mahal ang gastos para magpa-cautery sa doktor. Ang isang home remedy ay ang paggamit ng cotton ball na sinawsaw sa purong sukang puti. Ipatong itong cotton ball sa kulugo at i-tape ng band-aid sa buong magdamag. Siguraduhing basang-basa ang cotton ball ng suka. Medyo mahapdi ito. Gawin ito araw-araw sa loob ng 2 linggo o lampas pa. Pagkalipas ng ilang araw, mamamaga at mangingitim ang kulugo, bago ito tuluyang matatanggal. Ituloy pa rin ang paglagay ng suka ng ilang araw para hindi bumalik ang kulugo. Maghugas palagi ng kamay para hindi lumipat ang kulugo sa ibang parte ng katawan.
5. Balakubak o dandruff.
Maghalo ng 1 tasang maligamgam na tubig at 1 tasang sukang puti. Mag-shampoo at magbanlaw ng buhok. Pagkatapos ay saka ipahid ang sukang puti sa may puno ng iyong buhok (hair roots) kung nasaan ang balakubak. Hayaan ito ng 30 minutos bago banlawan. Gawin ito ng 1-2 beses kada linggo para mabawasan ang balakubak. Kapag hindi pa rin gumagaling, damihan mo ang halo ng sukang puti at bawasan ang tubig. Ang acetic acid ng suka ang papatay sa fungus na Malassezia furfur, na nagdudulot ng balakubak.