SA kasalukuyan, kahit sa pinakaliblib na lugar sa daigdig ay makakatagpo ng may cell phone o computer, pero ibahin n’yo ang isang bayan sa West Virginia, U.S.A. dahil mahigpit na ipinagbabawal sa mga residente roon ang pagkakaroon ng mga gadget na pangkaraniwan na sa pamumuhay nang napakaraming tao.
Kasama sa mahigpit na ipinagbabawal sa bayan ng Green Bank, West Virginia ang mga cell phone, WiFi, microwave, at maging ang panonood ng telebisyon.
Walang teknolohiya sa Green Bank dahil sa kakaibang telescope na nakapuwesto sa nasabing bayan. Kakaiba ang telescope dahil hindi ito nakakakita sa pamamagitan ng ilaw. Isa kasi itong radio telescope na gumagana sa pamamagitan ng pagsagap ng mga radio waves sa kalakawan kaya mukha itong isang higanteng satellite dish. Sinasabing ang radio telescope na nasa Green Bank ang pinakamalaki sa buong mundo.
Ito ang dahilan kung bakit bawal ang mga gamit na katulad ng cell phone at telebisyon sa Green Bank. Masasagap kasi ng radio telescope ang signal ng kahit anong gadget at maaring makagambala ito sa pagsagap ng telescope ng mga radio waves mula sa kalangitan.
Sa sobrang higpit sa paggamit ng mga gadget na may signal ay may opisyal ng lokal na pamahalaan doon ang umiikot sa buong bayan upang masiguradong ang lahat ay sumusunod sa patakaran.
Aakalaing wala nang titira sa Green Bank dahil sa kakaibang patakaran nito pagdating sa mga gadget ngunit may mga taong gusto pa ring manirahan doon. Sa katunayan nga ay ito ang paboritong tirahan ng mga taong may sakit na electromagnetic hypersensivity o yung mga taong nagkakasakit dahil sa mga radio waves na nanggagaling sa mga telebisyon at cell phone.