Ang janitor
ISANG lalaki ang naka-confine sa ospital na pampubliko. Magulo ang kanyang isip. Noong isang linggo ay ipinagtapat sa kanya ng doktor na anim na buwan na lamang ang itatagal ng kanyang buhay. Cancer sa baga ang kanyang sakit. Bakit pa niya patatagalin nang anim na buwan ang kanyang paghihirap. Tutal mamamatay din lang, uunahan na niya si Kamatayan sa pagsundo sa kanya. Tinalikuran na siya ng mga kaibigan at pamilya simula nang magkasakit siya. Ano pa ang halaga niya sa mundo?
Bumangon ang lalaki sa kanyang higaan. Isinukat niya ang sarili kung kasya sa bintana. Tiningnan niya ang ibaba. Perfect. Nasa ikawalong palapag siya kaya siguradong lasug-lasog ang kanyang katawan paglagpak sa ibaba. Umakyat siya sa bintana at akmang tatalon na nang may dalawang kamay mula sa likuran ang humawak sa kanyang katawan.
“Manong huwag!” isang patpating dyanitor na maglilinis sana ng kuwarto.
“Pabayaan mo na akong mamatay!”
“Manong makinig ka sa akin. Noong isang buwan ay may pasyente rin tumalon mula sa seventh floor. Nadurog ang kanyang ulo. Diring-diri ako habang nililinis ko ang mga dugo at utak na kumalat sa kanyang pinagbagsakan. Dahil doon ay nawalan ako ng ganang kumain kaya heto halos buto’t balat na ako. Kung tatalon ka, siguradong ganoon din ang mangyayari sa iyo – kakalat ang iyong dugo at utak mula sa nabasag mong ulo. At nasisiguro ko na ako na naman ang paglilinisin ng iyong “kalat”. Tapos madidiri na naman ako at hindi makakain ng ilang linggo. Lalo akong papayat hanggang sa mamatay sa kawalan ng nutrisyon sa katawan. Aba, hindi ko gustong mamatay, ano! Kaya kung ako sa iyo, umuwi ka na lang sa iyong bahay. Doon ka magbigti kung talagang type mong magpakamatay.”
Napakamot sa ulo ang pasyente. Akala niya ay may natitira pang tao na nagmamalasakit sa kanya.
- Latest