ANG istoryang ito ay nangyari noong namamayagpag pa ang comics industry bilang numero unong libangan ng mga Pinoy. Si Caloy ang superstar sa grupo ng mga comics illustrators sa isang publishing company. Minsan may isang bagong pasok na comics illustrator sa kompanya. Mahusay ang kamay ni Jun. Puring-puri siya ng kanilang editor-in-chief. Biglang na-insecured ang Caloy kaya madalas niyang pintasan nang harap-harapan ang trabaho ni Jun. Nagagawa niya iyon dahil tauhan niya ito. Minsan, sobra na ang panglalait na ginawa ni Caloy sa mga drowing ni Jun kaya nagsalita na ang huli:
Sir puwede po bang magtanong?
O, bilisan mo…marami pa akong gagawin.
Kapag binigyan mo ako ng isang bagay at tinanggihan ko iyon, sino po ang nagmamay-ari ng bagay na tinanggihan ko?
Siyempre, ako pa rin ang nagmamay-ari.
Hindi ko po matatanggap ang lahat ng pamimintas na sinabi mo sa aking mga drowing. Kaya ipinapalagay ko na ang tinutukoy mo kanina na pangit at walang kuwenta ay ang mga drowing mo.
Nganga ang mayabang na illustrator, walang mahagilap na salita na puwedeng ipambara kay Jun. Nag-resign si Jun nang araw din iyon. Mas malaki ang suweldong ini-offer sa kanya ng kalabang comics at siya ang magiging pinuno ng art department.