MUKHANG hindi lang sa maximum security compound ng New Bilibid Prison may problema ang pamunuan ng piitan.
Maging sa minimum security compound ay kailangan ding mapag-ukulan ng pansin.
Kahapon, dalawang bilanggo mula sa minimum security ang iniulat na nasugatan makaraang saksakin ng kapwa nila preso na sinasabing naistorbo sa pagtulog dahil sa maingay na pagkukuwentuhan ng mga una.
Sinasabing ice pick ang ginamit na pangsaksak ng bilanggong si Mikael Ilig sa kapwa niya bilanggo na sina Mariano Berso at Michael Tibag.
Baka maging sa minimum compound eh sangkaterba rin ang mga epektos at kontrabando, gaya ng nasamsam sa maximum compound.
Kasabay ng naganap na insidente, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga misis at kaanak ng mga preso sa New Bilibid Prison dahil sa pagbabawal sa dalaw sa naturang kulungan.
Kinondena nila ang naturang kautusan na paglabag umano sa karapatang pantao.
Hindi umano marapat na hindi nila madalaw ang kanilang mga kaanak maging ang mga ito ay bilanggo dahil gutom umano at pagkakasakit ang inaabot ng mga ito sa loob na hindi man lang nila natutulungan.
Hindi nga ba’t una nang ipinagbawal ng DOJ ang dalaw sa NBP matapos ang naganap na pagsabog sa maximum compound noong Enero 8 na ikinasawi ng isang preso at ikinasugat ng 19 na iba.
Bukod pa rito ang sunud-sunod na raid na isinasagawa ng mga awtoridad kung saan nga hindi matapus-tapos ang nasasamsam na mga kontrabando.
Ngayon nga , may eksena naman sa minimum security compound.
Mukhang hindi na matatapus-tapos ang kontrobersiya sa Bilibid, na sa nakikita ng marami talagang may problema sa pamamalakad.
Gaya uli ng kasabihan sa anumang sports, na kapag ang isang team eh hindi mawasto o manalu-nalo kahit pa nga papalit-palit na ng player, baka hindi sa player ang problema baka sa coach na.