Lalaking empleyado sa India, 24-years umabsent sa trabaho bago sinisante

ISANG empleyado sa isang sangay ng pamahalaan sa India ang sinisante dahil sa kanyang pag-absent ng lampas dalawang dekada.

Si A.K. Verma ay assistant executive engineer sa Central Public Works Department ng gobyerno ng India. Huli siyang pumasok sa trabaho noong 1990 at pagkatapos lumiban dahil sa sakit ay hindi na siya nagpakitang muli sa kanyang tanggapan.

Humiling pala si Verma ng extension para sa kanyang leave ngunit nang hindi siya pinagbigyan at basta na lang siyang hindi sumipot sa kanyang trabaho.

Noong 1992, una siyang inimbestigahan dahil sa kanyang hindi pagpasok sa trabaho ngunit noon lamang 2007 nagsimula ang pormal na pagdinig sa kanyang kaso. Inabot pa ng pitong taon ang departamento bago siya nagawang sisantehin mula sa kanyang posisyon.

Hindi na bago ang kaso ni Verma sa mga tanggapan ng gobyerno sa India. Kilala ang mga empleyado ng gobyerno roon sa kanilang laging pag-absent at pagiging late sa pagpasok sa trabaho. Sa katunayan ay sinasabing ang burukrasya sa India ang isa sa pinaka-malala sa Asya pagdating sa katamaran ng mga kawani nito ayon sa isang pag-aaral mula sa Hong Kong.

Kaya naman naghihigpit na ngayon ang mga kinauukulan sa mga tamad na empleyado sa gobyerno. Matapos maisapubliko ang kaso ni Verma ay may mga lokal na pamahalaan sa India ang nagpasa ng mga batas na magpapabilis ng proseso para sa pagsisante ng mga kawani ng gobyerno na hindi nagtratrabaho.

Show comments