NARITO ang mga senyales na sobra na sa panonood ng TV ang bata. Hinango ito sa Anak TV pamphlet.
1. Labis nang tumataba ang bata. Kulang sila sa ehersisyo maraming junk food ang kinakain -- burgers, french fries, chichirya, softdrinks at matatamis. Ang mga ito ang madalas kainin kapag nanonood.
2. Mas marami silang oras sa panonood ng telebisyon. Mahirap ba silang gambalain kung oras na ng pagkain, gumawa ng takdang-aralin, gumawa ng gawaing bahay at matulog? Kung oo, masyado na silang glued sa TV.
3. Umaasta silang parang artista o kamukha ng mga napapanood nila. Dahil labis ang kanilang panonood, panay ding ang bukambibig nila ay ang mga kuwento ng buhay ng mga artista.
4. Brand conscious na. Ang mga gusto lang nila ay ang mga brand na nakikita nila sa TV. Malalaman mo ito kapag namimili kayo. Ang gusto lang nilang bilhin ay ang mga nakikita nilang patalastas sa TV. Masuwerte akong si Gummy, hindi siya namimili ng brand. Produkto mismo ang tinitingnan niya at kung gaano niya ito kagusto.
5. Hindi magaganda ang kanilang grado sa paaralan. Ibig sabihin ay may ibang kumakain ng oras nila na dapat ay para sa pag-aaral.
6. Naaapektuhan na ng panonood ng TV ang iba nilang gawain. Sila ba ay laging nagmamadali? Lagi ba silang nagpapahuli kapag oras na ng paliligo. Huling dumating sa hapag kapag oras na ng pagkain? Sila ba ang pinakahuling matulog at magising?
7. Gusto nilang yumaman kaagad. Ang pangarap nilang trabaho ay ‘yun lamang mga nakikita nila sa TV gaya ng pag-aartista, model, singer, dancer, basketball player, boksingero at iba pa.
8. Hindi sila nakukuntento sa mga regalong natatanggap nila. Gusto nila laging ang latest na gadget ang makuha nila.
9. Ayaw nilang magbasa at masama ang kanilang talasalitaan at spelling. Masuwerte akong maaga naimulat sa akin ang pagmamahal sa libro. Kaya talagang sinisikap kong maging reader si Gummy. Kahit hindi pa siya nakakabasa ng mga salita, at least naa-appreciate niya ang libro.
10. Umiikot ang araw sa TV. As in alam nila kung anong oras na depende sa kung ano ang ipinalalabas sa TV. Kumakain sila at “nag-aaral” sa harap ng bukas na TV at habang nanonood ay hindi ka nila marinig kapag may sinasabi o inuutos ka.
11. Mas marami ang oras nila sa panonood ng TV kaysa ang maglaro ng mag-isa, o ni makipag-usap sa mga kapatid, kaibigan o magulang.
12. Hindi maganda ang kanilang tindig at katawan. Dahil lagi silang nakaupo ay nagiging maputla ang balat dahil bihirang maarawan at pawisan. Gusto lang nakapirmi at may nakatutok na aircon o electric fan.