Anak TV

NOONG Huwebes, unang pagkakataon kong dumalo sa Anak TV Seal Awarding ceremony. Kinumbida ako upang makabilang sa mga tatanggap ng ipinagkaloob sa Idol Sa Kusina. Ikatlong taon na ng ISK at ikatlong pagkilala na rin ito ng Anak TV sa programa. At ngayong bahagi na ako nito, napakalaking karangalan ang maging parte ng programang nirerespeto at ineendorso ng Anak TV na tangkilikin ng buong pamilya dahil ito ay kid-friendly. Dahil naniniwala silang ang “Bata ang Bukas”

Mahalaga ang Anak TV seal dahil…

---Dahil ang matalino at mapanuring manonood, ang mga magulang ay alam kung ano ang pinakamainam na mga programa para sa mga anak nila.

--- Dahil ang panonood ng telebisyon, bagamat ay nakatutulong sa pagyaman ng kaalaman ay maaari ring maging isang malaking balakid sa pagyabong ng tao, ng bata lalo na kung hindi pili ang mga napapanood nila. 

---Dahil maraming magulang ang nagtatrabaho at naiiwan ang mga anak sa bahay at mas kakaunti ang oras para sa mga ito.

---Dahil ang labis na panonood ng telebisyon ay maaaring magbunsod sa mga kabataang passive thinkers - walang interaksyong nagaganap kaya nagiging “wala silang pakialam.”

---Dahil ang labis na panonood ng TV, at lalo na ng mga mararahas o violent na programa ay naghuhulma ng mga agresibong mga bata.

---Dahil ang panonood ng telebisyong walang tamang superbisyon ng mga magulang ay balakid sa pagdebelop ng kaisipan ng bata.

Ang Anak TV Seal ay ginagawad sa mga programang maaaring panuorin ng mga bata kahit kaunti ang supervision o wala ang mga magulang. Kapag may tatak Anak TV, ang nasabing programa ay tinaguriang child-sensitive at family-friendly. At dahil 12,000 Pilipino ang nakibilang sa pagpili sa mga programa ngayong taon, siguradong boto talaga nila ang mga programang para sa buong pamilya, ano pa man ang edad, target audience, genre o wika nila sa tahanan.

Maraming programang ginawaran ng Anak TV Seal, mayroong mula sa TV5, UNTV, Light Network, Net 25, Kapamilya at siyempre Kapuso Channels - GMA at GMA News TV. Ang mga sumusunod na shows ng GMA 7 ay certified Anak TV Seal Recipient: Aha!, del Monte Kitchenomics, iBilib, Kap’s Amazing Stories, Kapuso Mo Jessica Soho, Kusina Master, Let’s Fiesta, Pepito Manaloto, Picture Picture, Pinoy MD, Sarap Diva, Tropang Potchi at Wish Ko Lang. 

Para naman sa GMA News TV: Ang Pinaka, Born To Be Wild, Good News, Idol Sa Kusina, I Juander at Taste Buddies.

Ngayon lang ako napabilang sa isang programang ganito ang pagtangkilik. Napakalaking biyaya at karangalan ang magawaran kasama si Chef Boy at ang lahat ng miyembro at staff na bumubuo ng Idol Sa Kusina. Salamat Panginoon! Patuloy pa po sana naming pag-igihin ang aming trabaho upang positibo ang maging dulot namin sa mundong ito!

 

 

Show comments