MATAGAL na tayo sa digital age o panahon na halos lahat ng bagay o mga transaksyon ay computerized na at nababawasan na ang mga dokumentong nasa papel. Napapaikli ang panahon ng paghihintay sa mga kailangang dokumento mula sa mga ahensiya ng pamahalaan o kahit sa pribadong sektor dahil sa computer.
Kabilang din ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nakisabay sa agos ng makabagong teknolohiya. Noong nakaraang buwan lang, inilunsad ang electronic payment system nito na magpapabilis sa pagkuha ng NBI clearance. Hindi na kailangang pumila para sa pagpapaproseso ng clearance. Bubuksan mo lang ang website ng ahensiya sa internet para magsumite ng aplikasyon.
Noong Nobyembre pa inilunsad ang naturang e-payment system pero, tuwing maaalala ko ito, hindi ko rin maiwasang maalala ang isang karanasan ko sa pagkuha minsan ng clearance sa NBI. Sa isang sangay nito sa Southern Tagalog ako nag-apply ng clearance. At dahil marami rin akong kapangalan, hindi naging madali ang pag-apruba sa aplikasyon ko. Hindi ka naman kasi mabibigyan ng clearance kung isa kang wanted o meron kang arrest warrant o kaya ay meron kang kapangalan na pinaghahanap sa batas.
Dahil nga meron akong kapangalan na wanted sa batas, Pinapunta ako sa isang korte sa Pasig City para humingi muna ng clearance sa hukom na nagpapatunay na hindi ako ang kanilang hinahanap. Pero nagulat ako na ang kapangalan kong iyon na sangkot sa isang holdapan ay meron palang litrato na nakapaskel sa dinding ng opisina ng hukumang pinasok ko. Mukha namang duda iyong clerk na ako nga ang “subject” ng kanilang arrest warrant pero huminto lang ang pagtatanong niya nang itanong ko naman sa kanya kung ang kanilang suspek ay merong nunal sa mukha na wala naman sa litrato ng kanilang hinahanap. Bigla siyang tumayo at sinimulang gawin ang kailangan kong clearance.
Anuma’t anuman, nakakapanghinayang ang mahabang oras at gastusin sa pamasahe sa pagpunta sa korte para lang humingi ng klaripikasyon na wala kang criminal record. Isipin na lang ang sitwasyon ng maraming aplikante na naaabala sa ganitong sistema gayong meron naman palang kopya ng litrato ng wanted na kriminal na nagkataong “katokayo” nila. Kung merong litrato sa korte, nakakapagtakang walang kopya nito ang NBI. Bukod diyan, ang mga aplikante ay kinukunan na ng litrato sa opisina ng NBI kapag nagpapaproseso sila ng kanilang clearance. Maaaring may ibang lehitimong dahilan ang NBI. Nakakadismaya lang ang naaaksayang panahon ng mga aplikante sa panahong ito ng digital age.