Paano pakakainin ang anak na pihikan sa pagkain?

1. Kung walang gana ang anak, irespeto ito. Huwag piliting pakainin, o ni i-bribe o sulsulan para lang mapakain siya ng ayaw niya o kahit ayaw niya. Dahil baka isuka lamang ng bata, o di kaya ay lalong tumindi ang inyong struggle sa pagkain. Lalo na kapag batambata pa. Baka ang oras ng pagkain ay ma-associate niya sa pilitan.

2. Pakainin ang anak ng pare-parehong oras bawat araw. Hangga’t maaari ay puro tubig ang ibigay at bihira lamang ang juice para hindi napupuno ang tiyan bago ang oras ng pagkain.

3. Maging matiyaga sa pagpapakilala ng bagong pagkain. Natural na kapag bago ang isang bagay ay kikilalanin muna ng mga bata, lalo na kung ang lasa nito ay hindi pamilyar sa kanila. Kailangan ng tuloy-tuloy at madalas na exposure sa kanila sa mga pagkaing ito. Ang aking ginagawa, sinasama ko ang maliliit na hiwa ng bagong pagkain sa mga pagkaing paborito niya. Naglalaro rin kami ng recognize the color at kinakausap ko siya tungkol dito.

4. Gawing masaya ang pagpapakilala. Maaaring sa hugis o plating o presentation, mas maraming kulay mas kaaya-aya sa kanilang mga mata. O kaya naman samahan ito ng dips o sawsawan. Siguradong paborito ng mga bata ang keso.

5. Isama ang anak sa pamimili at turuan ng mga masusustansiyang prutas at gulay. Sa bahay naman ay hingin ang tulong niya sa paghahanda ng mga pagkain sa mesa. Mas rewarding sa kanilang kumain kung bahagi sila ng paghahanda nito.

6. Maging mabuting halimbawa. Mahirap pakainin ng gulay ang anak kung ikaw mismo ay hindi kumakain nito. Kailangang makita ng iyong anak na kinakain mo rin ang gusto mong ipakain sa kanya.

7. Kapag oras ng kain, hangga’t maaari ay walang distraction -- walang laruan o TV para maka-focus sa pagkain. Bagama’t ang ibang magulang ay ginagamit ang gadgets upang malibang ang mga anak at mapakain sila, hindi nito naituturo ang tamang gawi at pagkaing dapat kainin.

8. Huwag gawing pabuya ang desserts pagkatapos kumain. Kapag ganito kasi ang taktika, iisipin ng anak na ang dessert ang pinakamahalagang pagkain para sa kanya. Tataas ang kagustuhang kumain ng matatamis.

9. Hindi porket ayaw ng anak ang unang isinilbi, magluluto agad ng panibago. Hikayatin ang anak na manatili sa hapag kapag oras ng pagkain, kahit ayaw kumain. Para maitanim sa kanya ang respeto sa hapag at oras ng kainan at para matutunan na kung anong grasya ang nasa mesa ay dapat kainin at ipagpasalamat. Ipagpatuloy ang pagsisilbi ng gulay at masusustansiyang pagkain hanggang maging pamilyar sila.

10. Tandaang minsan ay phase lamang sa bata ang pagiging pihikan. Darating ang oras na makakasanayan nila ito.

 

Show comments