Paano magpa-check-up?
(Part 1)
ALAM kong marami ang ayaw magpa-check up sa doktor. Una, mahal magpakonsulta sa doktor. Pangalawa, takot malaman ang sakit. Ikatlo, akala nila ay mahal ang magpa-executive check-up.
Sa mga takot magpa-check up, mayroon akong matipid na paraan para malaman ninyo ang lagay ng inyong kalusugan. Simple lang po. Magpa-blood test at urinalysis.
Heto ang mga dapat i-check sa inyong dugo.
1. Complete blood count o CBC – Makikita rito kung ikaw ay anemic o kulang sa dugo. Makikita rin kung may impeksiyon ka sa katawan.
2. Fasting blood sugar o FBS – Kung lalampas sa 105 mg/dl ang inyong blood sugar, ibig sabihin ay may diabetes kayo. Umiwas sa matatamis na pagkain para bumaba ang inyong blood sugar. Mag-exercise din.
3. Lipid profile – Kasama sa test na ito ang cholesterol, triglycerides, good cholesterol (HDL) at bad cholesterol (LDL). Kung mahilig kayo sa matatabang pagkain, puwedeng tumaas ang cholesterol ninyo. Mag-iingat po.
4. Creatinine – Tumataas ang creatinine kapag may sakit na sa bato. Kaya, uminom ng 8 hanggang 12 basong tubig araw-araw para malinis ang ating katawan. Kapag malakas tayong uminom ng tubig, masaya ang mga kidneys natin.
5. Uric Acid – Kapag mataas ang inyong uric acid, puwede kayong magkaroon ng isang klaseng arthritis na kung tawagin ay gout. Umiwas sa mga pagkaing mataas sa uric acid tulad ng monggo, beans, kare-kare, taho, lamanloob at lahat ng klaseng mani.
6. SGPT – Itong test ang nagsasabi kung may sira na ang inyong atay. Kapag lampas ng 100 ang inyong SGPT, dapat na kayong magpa-konsulta sa doktor. Ang mga sakit na hepatitis, cirrhosis at ang pag-inom ng alak ay nakasisira sa ating atay.
7. Urinalysis – Maliban sa blood test, mainam din na ipasuri ang ihi. Sa urinalysis (urine test), makikita kung kayo ay may impeksyon, may diabetes o may diperensiya sa kidneys.
Ang halaga ng mga nabanggit na blood test at urinalysis ay humigit-kumulang P700 lamang. Pumunta sa isang kilala at murang laboratoryo. Tandaan na may 10 hours fasting ang blood test. Kung 8 p.m. ang huling kain ninyo, puwedeng magpa-blood test ng 6 am, bago pa mag-almusal.
Magpakuha din ng blood pressure. Kung ang blood pressure ninyo ay lampas sa 140 over 90, magpakunsulta sa doktor at baka may altapresyon. Tandaan, mas mura ang gamutan kapag ang sakit ay maagang matutuklasan. Mas hahaba pa ang inyong buhay. Ano pa ang hinihintay n’yo? Magpa-check na!
- Latest