Ospital sa China, ipinararamdam sa mga ama ang sakit ng panganganak

ISANG ospital sa China ang nakaisip ng isang kakaibang paraan upang maibahagi sa mga magiging ama ang hirap na pinagdadaanan ng isang babae tuwing nanganganak.

Ang kakaibang paraan ng pagpaparamdam ng sakit ng panganganak sa mga magiging ama sa China ay ginagawa ng Aima Hospital na nasa probinsya ng Shendong.

Isinasagawa ito ng ospital sa pamamagitan ng pagkakabit sa tiyan ng lalaki ng electric pads na magbibigay ng electric shock na kahalintulad ng sakit na nararamdaman ng mga babae kapag sila ay nanganganak.

Namimilipit sa sakit ang mga sumubok na nito at kadalasan ay nagmamakaawa pa na itigil na ang kuryenteng dumadaloy sa kanilang mga tiyan.

Naisipan ng ospital ang kanilang kakaibang paraan nang malaman nila sa kanilang mga pasyenteng nagbubuntis ang kawalan ng pakialam ng ilang lalaki sa kalagayan ng kanilang mga asawang nagdadalantao.

Naniniwala ang ospital na mas mauunawaan ng mga lalaki ang sitwasyon ng kanilang mga nagbubuntis na asawa kung ipaparamdam sa kanila ang hapdi at sakit na dulot nito kaysa kung simpleng pagpapaliwanag lang sa mga seminar ang kanilang gagawin.

Noong una ay kaunti lang ang sumusubok sa prosesong sinimulan ng Aima Hospital ngunit nang lumaon, marami nang mga lalaki ang nagpapa-schedule para maramdaman ang sakit ng panganganak.

Kadalasang mga asawa nila ang kumukumbinse sa kanila na subukan ang proseso upang mas lalo silang magkaroon ng pang-unawa ukol sa pagbubuntis.

Show comments