SA wikang Filipino, kapwa tinatawag na bulalakaw ang asteroid, comet at meteor na pawang mga pinagsamang bato, gas at alikabok na lumilipad sa kalawakan. Pinag-aaralan ng mga scientist ang mga ito dahil ipinalalagay na narito ang susi ng pinagmulan ng mga planeta at solar system. Halos magkapareho lang umano ang asteroid at comet na may konting pagkakaiba.
Kasama rin ang bulalakaw sa mga pamahiin o paniniwala sa kultura ng iba’t ibang bansa. Magdudulot daw ng malas o suwerte kapag merong dumaraang bula-lakaw. Kapag nakakita ng bulalakaw, gumawa ng kahilingan at iyon ay matutupad. Ginagamit din ang bulalakaw sa mga kuwento, nobela, at pelikula bilang bagay na pinagmumulan ng kapangyarihan at lakas ng isang bida.
Pero ang tila pagiging alamat o misteryo ng bulalakaw ay lumalabo kapag tutunghayan ang ginagawang pagsusuri rito ng mga scientist, astrophysicist at iba pang mga dalubhasa. Sa agham, isa lamang siyang maliliit o malalaking bagay sa universe na binubuo lang ng gas, alikabok at bato.
Nabanggit ko ito dahil sa napabalitang paglapag ng robot na laboratory na tinatawag na Philae sa isang comet na pinangalanang 67P/Churyumov-Gerasimenko o 67P noong Nobyembre 12 ng taong kasalukuyan. Sinasabing lumikha ito ng kasaysayan dahil unang pagkakataon ito na nagawa ng tao sa pamamagitan ng robot na spacecraft na masundan at malapagan ang isang kometa. Noong 2004 umalis ng daigdig ang spacecract na Rosetta na kinalululanan ng Philae para habulin, sundan at sabayan sa paglilibot sa Araw ang 67P. Isa itong space mission ng European Space Agency sa tulong ng mga miyembrong bansa nito at ng NASA ng Amerika. Noong Agosto ng taong ito nakalapit nang husto ang Rosetta sa 67P at inikutan ito nang inikutan hanggang sa maidiskarga ang 67P at pinalapag sa naturang kometa. Kasunod dito ang pagsusuri ng Philae sa kometa na inaasahang tatagal hanggang sa susunod na taon.
Makabuluhan sa mga scientist at ibang dalubhasa ang naturang kaganapan dahil ipinapalagay na nasa kometa ang susi para matukoy kung paano nabuo ang mga planeta at ang solar system. Hinihinala nga na ang mga kometa na sumasalpok sa daigdig noong unang panahon ang nakapagdulot ng yelo at karagatan sa ating planeta. Kung magagawa nang lapitan at sakyan ang isang kometa, baka magamit din ito sa pagbibiyahe patungo sa Mars o ibang malalayong planeta sa sansinukob.