MAHIRAP talaga ang maging Presidente ng Pilipinas. Hindi lang pumunta sa burol ng patay, katakut-takot nang isyu ang ibabato sa kanya. Mabuti pa ako na isang pangkaraniwang mamamayan. Kapag hindi ko “feel” na pumunta sa lamay, okey lang. Walang babatikos sa akin.
Hindi sa ayaw kong makiramay o wala akong pakisama. Namatay ang ama ng kakilala ko. Isnabera ang mga kapatid ng kakilala ko. Paano kung pagpunta ko sa lamay ay wala ang aking kakilala? Siya raw ang abala sa pag-aasikaso ng lahat, kaya lagi raw itong wala sa burol, kuwento ng isang common friend. Naisip ko, halimbawa at hindi ko nadatnan sa burol ang aking kakilala, sino ang lalapitan ko para magpahayag ng pakikiramay. Magiging awkward lang ang sitwasyon. Mas mainam na huwag na lang pumunta sa burol.
Ang dahilan ni P-Noy, nang tanungin kung bakit hindi siya pumunta sa burol ng pinatay na transgender: Hindi niya ugaling pumunta sa lamay ng mga taong hindi niya kakilala dahil hindi siya komportable sa ganoong sitwasyon. Unawang-unawa ko ang katwiran ng Presidente. Nagpapakatotoo lang siya.
Nauunawaan ko ang nadadama ng naulila ng transgender. Hindi bawal humingi ng katarungan. Lalong hindi bawal umiyak upang isambulat ang kalungkutan pero gawin ito nang may dignidad at paggalang sa mga kinauukulan.