UMAATUNGAL at kumakahol na naman ngayon ang ilang mga mambabatas sa Kongreso.
Pilit pa ring pinaggigiitan at pinagduduldulang tama, walang mali at legal ang kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala rin sa tawag na “pork barrel.”
Oo nga naman, nawalan na sila ng “raket” mula sa mga proyektong puro lang kabulastugan at walang katuturan. Salamat kay Janet Napoles, naungkat ang baho ng mga sandamukal na “Eddie…ako” sa lehislatibo.
Kaya naman, tulad pa rin ng dati, kuntodo ang sisi ng mga malikhaing kongresista sa Korte Suprema sa naging deklarasyon nitong “unconstitutional” o ilegal ang PDAF.
Ayon kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr, pabago-bago o “flip-flopping” ang desisyon ng Supreme Court. Ipinupuntos niya na kung noong 1994 at 2004 daw idineklara ng Kataas-taasang Hukuman na constitutional o legal ang PDAF, bakit ngayon, ilegal na.
Maliban dito, sinasabi din niya na dapat magkaroon ng judicial restraint o kontrol ang “Sereno Court” sa mga desisyon nito bilang respeto daw sa dalawa pa nitong kapantay na sangay ng pamahalaan, ang ehekutibo at lehislatura.
Hindi yata naiintindihan ng mga “mambubutas” ng bulsa na mga kumag, kenkoy, kolokoy na nag-iiba ang panahon. At nangyayari lang ang flip-flopping sa parehong rehimen at parehong komposisyon ng Korte Suprema. Ilang dekada na ang lumipas. Iba na ang lasa, kulay at hitsura ng pork barrel noon kumpara ngayon.
Kung noon, maaaring pailalim at hindi masyadong napapansin ang paglapastangan at pang-aabuso sa kaban ng bayan, ngayon naging matalino na ang taumbayan. Nadala na sa mga katiwalian at mga “tagasilbi” natin sa pamahalaan na mga kawatan.
Sang-ayon ang BITAG Live sa sinasabi ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na anuman ang mga maling “doktrina” noon, nilalapatan o binibigyan na nila ng corrective action ngayon.
Sa madaling sabi, ang mali, itinutuwid at ang kulang, dinadagdagan base sa mga nakasaad sa Saligang Batas lamang. Ito ang ayaw tanggapin at pilit pa ring pinagpipilitan ng mga putok sa buhong sakim, manhid, matatakaw, makasarili at kapalmuks na mga kawatan!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.