EDITORYAL - Mabagal na reconstruction sa Bohol
ISANG taon na ang nakalilipas mula nang tamaan ng 7.2 magnitude na lindol ang Bohol na ikinamatay nang mahigit 200 katao at nakasugat ng 800 iba pa. Maraming istruktura ang nawasak kabilang ang mga simbahan na daang taon na ang edad. Halos napulbos ang mga gumuhong simbahan at hindi na maaaring buuin muli. Maraming kalsada ang nabiyak at may mga lugar na halos ay nahukay o nalubog dahil sa lakas nang pagyanig. Isang taon na ang nakalilipas subalit ang pinsala nang tumamang lindol ay malinaw nakikita ng mga kawawang residente. Halos sariwang-sariwa pa ang mga alaala nang malakas na lindol na tumama noong Oktubre 15, 2013 dakong alas-otso ng umaga.
Sabi ng mga residente ng Bohol, nasa 70 percent pa lamang ang natatapos at hindi nila malaman kung kailan maibabalik ang nasirang lugar. Masyadong mabagal ang pagsasagawa at pagkukumpuni ng mga nasira. Usad pagong ang paggawa o pag-rehabilitate sa nasirang 20 municipal hall at mga barangay hall. Maski ang public market ay halos hindi pa umano nauumpisahan. Marami pang public school ang hindi nagagawa kaya kawawa ang kalagayan ng mga mag-aaral.
Ang mabagal na paggawa sa mga nasira ay isinisisi naman sa mabagal na pagpapalabas ng pondo ng national government. Noong nakaraang Hunyo lamang inihayag ang allocation ng P2.6 billion para sa rebuilding ng Bohol. Nakapagtataka naman kung bakit ganoon kabagal ang pagpapalabas ng pondo. Hindi nga kataka-taka kung abutin nang napakatagal ang pagsasagawa ng mga nawasak.
Dati maraming turista ang dumadayo sa Bohol pero ngayon ay mabibilang umano sa daliri sapagkat napakabagal ng rehabilitation. Maraming magagandang attraction sa Bohol na kinagigiliwan ng mga dayuhan kaya nararapat lamang na madaliin ang pagpapanauli ng lugar. Buhusan ito ng pondo.
- Latest