EDITORYAL – Basura ng Canada
HANGGANG ngayon, nasa Port of Manila pa rin ang 50 container vans na may lamang basura mula sa Canada. Halos isang taon na ang mga basura sa port at walang ginagawang aksiyon ang Bureau of Customs (BoC) kung paano ibabalik sa Canada ang mga basura. Nakapagtataka kung bakit umabot nang ganoon katagal sa port ang mga container na may basura.
Hindi basta basura ang laman ng mga container kundi mga basurang may kasamang toxic na delikado sa kalusugan. Halu-halo ang mga basura – may mga plastic, karton, bottles at ang matindi pati hospital wastes na kinabibilangan umano ng mga adult diapers, ginamit na heringgilya, cotton buds at marami pang iba na may taglay na kemikal.
Nang buksan ng mga taga-BoC ang mga container van na ang consignee umano ay isang kompanya ng plastic sa Valenzuela City, nagulat sila sapagkat bumulaga ang maraming basura. Mas marami pa umano ang hospital wastes kaysa mga plastic na maaaring i-recycle.
Nakapagtataka rin naman kung bakit walang ginagawang aksiyon ang Canadian government para kunin ang mga basura. Delikado sa kalusugan ang kanilang basura kaya dapat iprayoridad nila ang pagpapabalik sa kanilang bansa.
Ang Canada ay isa sa mga bansang may pagmamahal sa kalikasan kaya mahigpit sila sa mga bagay na nakakaapekto sa tao at kapaligiran. Bakit nakalusot sa kanila at nakarating sa Pilipinas ang mga basurang toxic?
Gumawa na sana ng hakbang ang pamahalaan ukol dito. Pakialaman na ang isyung ito para agarang maialis sa port ang basura at ibalik sa Canada. Sila ang magtago ng kanilang basura. Imbestigahan naman ang kompanyang umangkat ng basura sa Canada.
- Latest