KAKAIBA ang napiling lokasyon ng isang hotel sa United States. Sa halip kasi na itayo ito sa gitna ng isang matataong lugar, sa loob ng isang bundok sa Arkansas itinayo.
Nagsimula ang kuwento ng hotel noong 1983 nang maisipan ni John Hay na magtayo ng isang lugar na puwede niyang mapagtataguan sakaling magkagiyera sa pagitan ng US at Soviet Union. Upang masiguradong siya ay makakaligtas sakaling magpaulan ng bomba ang magkabilang panig ay pinili niyang gumawa ng isang bunker sa loob mismo ng isang bundok.
Hindi nangyari ang inaasahang giyera ni John Hay. Kaya naman para mabawi ang ginastos niya sa pag-uka ng bundok ay ibinenta niya ito sa isang kompanya na siyang nag-remodel sa bunker upang maging isang hotel.
Pinangalanang Beckham Creek Cave Lodge ang hotel at ito ay kumpleto sa lahat ng bagay na makikita sa isang pangkaraniwang hotel. Mayroon itong mga magagarang muwebles at mga maaaliwalas na kuwartong puwedeng ipagmalaki.
Ngayon ay pangunahing tourist attraction na ang Beckham Creek Cave Lodge sa Arkansas. Nagiging popular na rin itong venue para sa mga kasal dahil sa kakaiba nitong lokasyon.