USO sa Pilipinas na sige nang sige sa pagpapatupad ng patakaran pero kapag pumalpak ay agad babawiin.
Ang binabanggit ko ay ang pag-atras ni Mayor Erap Estrada sa ipinatupad ng truck ban sa Maynila. Ayon kay Estrada, iniatras niya ang patakaran sa truck ban dahil ayaw daw nito na banggain ang national government matapos makialam na ang Malacañang sa problema sa port congestion.
Bilyong piso na ang nalugi sa ekonomiya dahil sa port congestion at marami ang naapektuhan.
Direktang naapektuhan din ang pribadong motorista matapos na magdulot na mabigat na daloy ng trapiko sa NLEX noong nakaraang linggo.
Pero kung napag-aralang mabuti amg truck ban ay hindi na sana humantong sa port congestion.
Ito ang madalas na sakit ng mga opisyal ng gobyerno, mabilis magpatupad ng mga patakaran pero hindi lubos na napag-isipang mabuti kaya pumapalpak na ang napipinsala ay publiko.
Balik na naman sa normal na sitwasyon sa Maynila kung saan problema ang trapiko dahil sa maraming truck papunta sa Port of Manila.
Sana sa mga susunod na pagkakataon, kung magpapatupad ng patakaran hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa, tiyaking dumaan muna sa masusing pag-aaral upang matiyak ang tagumpay para sa kapakanan ng taumbayan.
Sinasaluduhan ko ang hakbang ni Estrada sa truck ban sa Maynila dahil kahit paano kumilos ito upang resolbahin ang problema sa trapiko sa Maynila. Pero hindi ito dapat matigil sa pag-atras ng truck ban bagkus ay kailangang humanap pa ng ibang solusyon para sa interes ng mamamayan.