PATULOY na umaarangkada ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Koko Pimentel sa alegasyong overpriced ang Makati parking building na ipinatayo ni Vice President Jejomar Binay noong siya pa ang mayor ng Makati.
At ang isa sa bagong alegasyon laban kay VP Binay ay ang pag-amin ni Engr. Mario Hechanova na tumatanggap siya ng P200,000 kada buwan na ang alegasyon ay para “lutuin” umano ang bidding ng bawat proyekto sa Makati.
Panahon na upang punto por punto sagutin ni VP Binay ang nasabing alegasyon.
Batay sa aking pakikipanayam kay Cavite governor Jonvic Remulla, magkasama raw sa sindikato sa Makati City government sina Hechanova at dating Vice Mayor Ernesto Mercado na ngayon ay nagbabato rin ng alegasyon laban kay VP Binay.
Muling nanindigan si VP Binay sa pamamagitan ni Remulla na walang kinalaman ito sa alegasyong lutuan umano ng kontrata at iginiit na walang overpriced sa Makati parking building.
Muling iginiit ni Remulla na abala ang vice president sa napakaraming trabaho partikular ang pangangalaga sa mga Pilipino overseas workers at iba pang tungkulin sa bansa.
Anuman ang motibo ng ilang senador sa ginagawang imbestigasyon, pinakamahalaga dito ay makapagpaliwanag si VP Binay lalo pa’t siya ay may ambisyon na maging presidente
Nangangailangan na malinis ang kanyang pangalan sa anumang alegasyon ng katiwalian bago hawakan ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Bukod dito mayroon na ring lumulutang na katanungan kung saan nagmula ang yaman ng mga Binay dahil hindi naman ito maituturing na mayaman at wala rin namang malaking negosyo ang kanilang pamilya.
Sagutin agad ito ng kampo ng mga Binay upang matuldukan ang mga maling iniisip.