Pagbasura sa impeachment
NAGING mabilis ang desisyon ng Kongreso sa pagbasura sa tatlong impeachment complaint laban kay President Noynoy Aquino.
Kaya naman nagrereklamo ang makabayan bloc dahil masyado raw minadali ng mga kaalyado at kapartido ng Presidente na maibasura ang nasabing impeachment case.
Limampu’t apat na kongresista ang bumoto upang ibasura ang tatlong impeachment complaint dahil sa wala raw sapat na laman o basehan upang ipursige ang reklamo llaban sa presidente.
Pero dapat ay maunawaan ng mga kongresista at ng publiko na ang impeachment complaint ay isang prosesong pulitikal.
At siyempre kung ang Presidente ay irereklamo ay asahan na idedepensa ito ng kanyang mga kaalyadong mambabatas lalo na ang mga kasapi ng Liberal Party.
Ika nga ay number’s game ang impeachment at ito ay depende sa bilang ng boto ng mga kongresista pabor o kontra sa kaso.
Magiging dahilan lamang upang magkawatak-watak ang sambayanan kung magtutuloy tuloy ang impeachment laban sa Presidente samantalang wala ng dalawang taon ang nalalabi sa kanyang termino.
Makakabuting ituon na lang ng Presidente ang kanyang buong atensiyon upang tapusin ang mga programang inilunsad at ang mga maaari pang maumpisahan para sa kapakanan ng taumbayan.
Kung talagang may sapat na ebidensiya at mayroong nilabag na batas ang Presidente ay maaari naman itong habulin ng kaso kapag natapos na ang termino upang mapanagot at mabigyan ng katarungan ang sambayanan.
- Latest