Manong Wen (Simula)

NAGING kaibigan niya si Manong Wen noong pareho pa silang nasa Riyadh, Saudi Arabia. Mga edad 45 na si Manong Wen noon at siya naman ay 25. Pareho silang empleado sa isang sangay ng sandatahang lakas ng Saudi Arabia. Nasa technical support sila. Si Manong Wen ay taga-xerox ng mga dokumento at libro samantalang siya ay clerk. Pareho lang ang suweldo nila ni Manong Wen – 1,500 Saudi Riyals. Sabi ni Manong Wen, puwede nang pagtiyagaan iyon sapagkat mahirap maghanap ng trabaho sa Pilipinas at walang makapagbibigay ng ganoong suweldo sa Pinas. Ang 1,500 riyals nang mga panahong iyon ay humigit kumulang na 400 US dollars.

Siya ay binata pa samantalang si Manong Wen ay may asawa na bagama’t hindi nito sinasabi kung may anak. At hindi naman niya inu­urira kung may anak na nga ito.

“Huwag ka munang mag-aasawa, Jo,” sabi sa kanya ni Manong Wen habang magkasabay silang naglalakad noon sa malawak na disyerto na di kalayuan sa kanilang tirahan. “Mahirap ang may-asawa lalo na’t kulang na kulang ang sahod. Mag-ipon ka nang mag-ipon dito at kapag marami na ay saka ka umuwi sa Pinas at magtayo ng negosyong kabisado mo.’’

“Wala akong hilig sa ne­gosyo Manong Wen.’’

“Mapapag-aralan naman yun.’’

“Siguro po, dito na lang ako. Siguro naman ay matatagalan pa bago maubos ang langis dito.’’

“Sabagay. Pero ang payo ko lang, mag-ipon ka nang mag-ipon. Huwag kang magbibili ng kung anu-ano.’’

“Opo.’’

Makalipas ang ilang taon, nagkahiwalay sila ni Manong Wen. Nag-finish contract ito. Sawa na raw siya. May naipon na naman daw.

Nang pauwi na ito sa Pinas ay sinabi sa kanya, “Kapag uuwi ka sa Pinas, puntahan mo ako sa Mindoro ha. Itong address ko. Hanapin mo ako roon.”

“Opo Manong Wen.’’

Pero nakailang bakasyon siya na hindi man lang na­dalaw si Manong Wen. Hanggang sa wala na siyang balita ukol dito.

Makalipas ang 20 taon, nagpasya na siyang mag-finished contract. At noon niya naisipang dalawin si Manong Wen sa Mindoro. Naitago niya ang kapirasong papel na may address.

Hinanap niya. Tawid dagat pala. Mula Batangas City ay sumakay siya ng ro-ro patungong Calapan at mula roon, sumakay siya ng van patungong Socorro.

Hinanap niya ang Ba­rangay Villareal. Nakita niya. Pero nanlumo siya. Patay  na si Manong Wen. Nakausap niya ang anak nito.

“Patay na po si Tatay,” sabi ng babae na mga 20 anyos. “Sino ka po baga?”

“Ako si Jo, yung kaibigan niya sa Saudi.”

“Ah ikaw po pala.”

(Itutuloy)

Show comments