EDITORYAL - Itigil na ang bisyong sigarilyo!

PIRMADO na ang Republic Act No. 10643. Ito ’yung batas na nag-uutos sa cigarette companies na lagyan ng graphic health warnings ang mga kaha ng sigarilyo. Kabilang sa mga ipi-print sa mga kaha ay ang mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo gaya ng cancer sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila at ang sakit na emphysema, katarata at sakit sa puso. Bukod sa mga retrato ng sakit, obligado rin ang mga cigarette companies na ilagay ang mga mensahe na nagpapaalala na masama sa kalusugan ang panini­garilyo. Sa kasalukuyan, maliit na mensahe lamang ang nakalagay sa bawat kaha ng sigarilyo na halos hindi mabasa. Layunin ng paglalagay ng mga retrato ng sakit na mapigilan ang mga naninigarilyo. Ina­asahang marami ang magdadalawang-isip na manigarilyo kapag nakita ang mga retrato ng sakit.

Sa Southeast Asia, ang Pilipinas na lamang ang walang graphic warning sa kaha ng sigarilyo. Sa gina­wang pag-aaral, maraming tumigil sa paninigarilyo nang makita ang nakaririmarim na sakit na naka­larawan sa kaha ng yosi. Nabawasan ang bilang ng mga nagyoyosi sa Thailand, Australia at Canada makaraang i-print ang mga larawan ng sakit sa kaha ng yosi.

Ayon sa Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Nasa panganib din umano ang mga taong laging nakakalanghap ng usok ng sigarilyo na magkasakit sa baga.

Pabata naman nang pabata ang mga naninigarilyo at wala nang silbi ang batas na nagbabawal magbenta ng sigarilyo sa mga menor-de-edad. Kahit saan ay puwed­e nang makabili ng sigarilyo kaya naman marami ang naaadik sa bisyo.

Nilagdaan ni P-Noy ang batas para ma-discouraged ang mga naninigarilyo na itigil na ang bisyo. Pero mas magiging epektibo ito kung siya mismo ang magiging halimbawa na tatalikuran na niya ang paninigarilyo. Maraming masasagip na buhay kung titigilan ang bisyong sigarilyo.

Show comments