NGAYON ang ika-45 anibersaryo ng paglapag ng Apollo 11 sa buwan. Ang Apollo 11 ang sinakyan ng mga astronaut na sina Neil Armstrong at Buzz Aldrin. Limang araw silang naglakbay patungong buwan. Si Armstrong ang unang lumabas sa spacecraft, bumaba at naglakad sa buwan bago sumunod si Aldrin. Naiwan sa command spacecraft ang pangatlo nilang kasamahan na si Michael Collins.
Ano ba ang halaga ng misyong iyon bukod sa unang pagyapak ng tao sa buwan na karaniwan nang tanawin sa daigdig gabi-gabi? Maaaring nagbigay ito ng inspirasyon sa space exploration at sa ibang mga bansa na naghahangad ding makarating sa ibang planeta. Malaki siyempre ang kahalagahan nito sa mga mamamayan ng Amerika dahil isang tagumpay ng kanilang bansa lalo pa at kababayan nila ang itinuturing na unang tao sa buwan. Maaaring napamangha ang mga ordinaryong mamamayan ng ibang mga bansa nang panahong iyon pero duda ako kung naramdaman nila ang kahalagahan nito sa kanilang buhay.
Pero pagkatapos ng ilan pang misyon, nahinto na ang pagpapadala ng mga astronaut doon. Puro mga robotic spacecract at computer na lang ang pinalilipad at pinalilibot para pag-aralan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa buwan. Wala pang tao na sumusubok na manirahan doon dahil nga sa mga peligro sa pagtira roon.
Ang huling balita nga, meron daw 200 kuweba sa ilalim ng buwan na maaaring silungan ng mga astronaut batay sa naoobserbahan ng mga dalubhasa sa kapaligiran nito. May mga teorya na merong tubig o yelo sa buwan pero hanggang teorya pa lang iyon. Puro balak pa lang ang planong pagtatayo ng base ng mga astronaut o kolonya ng tao sa buwan bilang lunsaran ng mga misyon papunta sa planetang Mars o sa iba pang sulok ng kalawakan. Balak pa lang dahil sa problema ng pondo. Pero sinusubukan na rin at pinag-eeksperimentuhan ng ibang mga bansang merong sariling space program ang pagpapadalang muli ng tao sa buwan. Hinahayaan na nga rin ng mga kinauukulan ang mga pribadong sektor na gumawa ng mga aktibidad na merong kinalaman sa buwan. Pero maraming puwedeng mangyari sa hinaharap lalo na at patuloy ang pagsulong ng teknolohiya sa mundo. Darating din siguro ang araw na tatanawin natin ang buwan at alalahanin ang mga kamag-anak o kaibigan nating nakatira roon.