HINDI pa rin naging handa ang mamamayan sa kabila na taun-taon ay may malalakas na bagyong tumatama sa bansa. Naulit na naman na kung kailan nandiyan na ang bagyo, saka lamang lumilikas o umaalis sa kani-kanilang mga bahay ang mga maaapektuhang pamilya. Naulit na naman na kung kailan naririnig na ang hangin at tumataas na ang tubig saka lamang umaalis ang mga nasa tabing dagat o ilog. Kaya ang resulta, meron na namang nasayang na buhay. Mayroon na namang namatay dahil nalunod o nabagsakan ng mga tumumbang puno.
Ilang araw bago ang paghagupit ng bagyong Glenda, nagbabala na ang PAGASA na malakas ang hanging idudulot ng bagyo kapag tumama sa lupa kaya kailangan ang paghahanda. Ayon sa PAGASA maaaring magkaroon ng storm surges o pagtaas ng alon kaya nararapat na umalis ang mga residenteng nasa tabingdagat. Pero hindi nangyari ito sapagkat marami pa rin ang ayaw umalis kahit pinakikiusapan na ng mga awtoridad. Mayroon mga residente pa nga na na-videohan na ayaw pang umalis sa kanilang bahay sapagkat mahina pa raw naman ang hangin at ulan. Ikinatwiran ng isang residente na noon daw may tumamang bagyo sa kanila ay hindi naman sila umalis. Aalis daw sila kapag delikado na.
Ang mga ganitong katwiran ng mamamayan sa panahon ng pananalasa ng bagyo ang nagdudulot sa kanila ng kapahamakan. Ito ang dahilan kaya maraming napapahamak at namamatay. Sa pinaka-huling report ukol sa mga namatay sa pananalasa ng Bagyong Glenda, mahigit 80 na ang namamatay. Karamihan sa mga namatay ay nabagsakan ng mga lumilipad na bagay at punongkahoy.
Meron pa ring namatay kahit na ang sabi ng gobyerno ay walang magiging casualties sapagkat napaghandaan ang pagdating ng bagyo. Hindi raw sila nagkulang sa pagpapaalala sa mamamayan. Likas lamang daw na mayroong matitigas ang ulo kaya ayaw umalis sa kani-kanilang mga bahay. Malaking aral na naman din ito sa gobyerno na puwersahan na dapat ang gawin nila sa pagpapaalis sa mga taong nasa delikadong lugar. Ito ay para masiguro na walang mapapahamak na residente.