TAUN-TAON nananalasa ang malalakas na bagyo sa bansa na kumikitil ng buhay at sumisira nang maraming ari-arian.
Sa pagragasa ng Bagyong Glenda ay muli na namang nakita ang sitwasyon sa mga nakaraang kalamidad na tumama sa bansa.
Ang mga eksenang ito ay katulad ng mga paglilikas sa mga residente at dinala sa evacuation centers gayundin ang pagkatumba ng mga poste ng kuryente na naging dahilan nang malawakang brownout.
Pero parang bago nang bago tayo sa mga ganitong sitwasyon na kung tutuusin ay normal sapagkat taun-taon ay kasama na sa ating buhay ang ganitong panahon.
Laging mayroong paghahanda ang gobyerno pero laging kapos din naman ang preparasyon at hindi naiiwasan ang matinding pinsala at trahedya.
Panahon na upang lubos na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang konkretong hakbang upang maging handa sa kalamidad na taun-taon ay tumatama sa bansa.
Tulad na lang sa evacuation centers na kadalasan ay mga eskuwelahan ang ginagamit kaya naapektuhan din ang mga mag aaral. Bakit hindi na lamang magtayo ng permanenteng evacuation center na nakadisenyo sa mga evacuees tulad nang maraming comfort room at tulugan para mas maging komportable ang mga biktima.
Taun-taun ay magagamit naman ito kung kaya gawin na ang permanenteng istruktura sa lugar na ligtas.
Kung mangyayari ito ay naniniwala ako na walang aayaw sa sinumang residente na ililikas kung maayos naman ang evacuation center kumpara sa eskuwelahan o basketball court.
Alam kasi ng evacuees ang kanilang magiging kalagayan sa evacuation center sa kasalukuyan. Kung kaya karamihan sa mga ito ay tutol sa paglilikas maliban na lang kung nandiyan na ang panganib.
Pag-aralan na rin ang pagbabago ng sistema sa mga kawad ng kuryente. Ilagay ito sa ilalim ng lupa upang maging maayos at wala nang masisira na magiging dahilan ng power interruption.