SA panahon ng kalamidad lumulutang ang mga mapagsamantalang negosyante. Sasamantalahin nila ang pagkakataon para itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin katulad ng bigas, sardinas, mantika, kape, asukal at iba pa. Masahol pa sa mga “buwitre” ang mga negosyanteng ito na para lamang kumita nang malaki ay itataas nang sagad-sagad ang kanilang mga produkto.
Ngayong nanalasa ang Bagyong Glenda na nag-iwan nang matinding pagkasira sa kabuhayan ng mga tao, tiyak na maglulutangan ang mga negosyanteng masahol pa sa mga gutom na buwitre. Dahil maraming nasirang mga bahay, itataas ng mga buwitreng negosyante ang presyo ng construction materials --- kahoy, pako, semento, alambre, bakal at iba pa. Wala namang magawa ang mga nawalan ng tirahan. Sa pagnanais nilang magawa agad ang kanilang bahay na nasira, kakagatin na nila ang presyo kahit na mataas. “Kapit sa patalim” na ang mangyayari sapagkat wala naman silang pagpipilian pa. Kailangang magawa ang bahay para mayroong matirahan. Kawawa ang mga anak kung walang bahay. Pikit-matang bibilhin ang mga gamit para makapagtayo ng bahay kahit pa 200 percent ang dinagdag na presyo.
Sa sitwasyong ganito dapat nakaabang ang mga taga-Department of Trade and Industry (DTI). Magkaroon sila ng team na lihim na mag-iinspeksiyon sa mga hardware store. Kapag napatunayang sobra ang taas ng presyo, agad na kasuhan ang negosyante. Tanggalan ng lisensiya ang buwitreng negosyante. Hindi sila dapat patawarin.
Magkaroon din naman ng pag-iinspeksiyon ang mga taga-DTI sa malalaking supermarket at mga stalls sa palengke na umano’y nagtaas ng presyo. Ayon sa report, 64 na supermarkets sa Metro Manila ang biglang nagtaas ng kanilang paninda.
Bantayan ng DTI ang mga buwitreng negosyante. Huwag hayaang mabiktima ang mamamayang naghihikahos at nagugutom.