Hindi maintindihan ng masang Pinoy ang DAP
KAHIT nagsalita na si President Noynoy Aquino ukol sa Disbursement Acceleration Program (DAP) hindi pa rin ito naintindihan ng masang Pilipino. Nagsalita si P-Noy sa TV noong Lunes ng gabi at maraming sector ang nagkaroon ng agam-agam na baka mauwi sa banggaan ng Supreme Court at Malacañang ang usapin sa DAP.
Iba’t iba ang reaksiyon depende kung saang kampo nakakampi — oposisyon o administrasyon. Pero ang nakamamangha ay ang reaksiyon ng masang Pinoy na hindi nila naiintindihan ang DAP. Wala raw silang naintindihan lalo na ang isyu na sinabi ni P-Noy na ito ay nakatulong upang sumigla ang ekonomiya at marami raw natulungan batay sa proyektong napondohan.
Maaaring hindi maunawaan ng nakararaming mamamayan dahil hindi pa nila nararamdaman ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya at katunayan, marami pa ang naghihirap. Makabubuting lutasin muna ng pamahalaan ang problemang may kinalaman sa pagkain ganundin ang problema sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Umaasa ako na hindi mauuwi sa constitutional crisis ang usapin sa DAP at susundin ng Malacañang ang desisyon ng Supreme Court na nagsabing labag sa Saligang Batas ang DAP.
Dapat maging maingat ang gobyerno sa pananalita at kilos at baka may sector na mag-alsa. Baka gamitin ang masa upang gumulo ang sitwasyon sa bansa.
Maiintindihan ng masa ang DAP kung malulutas ng pamahalaan ang kahirapan, problema sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kawalan ng trabaho, kriminalidad, at marami pang iba.
- Latest