GASGAS na ang modus na “Rentangay” subalit marami pa rin ang mga nadedenggoy at nabibiktima.
Ito ang uring modus kung saan ang nirentahang sasakyan ng mga suspek ay agad na nilang itinatangay at hindi na isinasauli sa may-ari.
Organisado ang grupo na nasa likod ng rentangay. May koneksyon ang mga ito sa mga financier sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Si Eric isa sa mga daan-daang nabiktima ng modus na ito. Ayon sa kaniya, paluwas na siya ng Maynila nang mamataan niya ang kaniyang sasakyan na nakaparada sa bahagi ng Nueva Vizcaya. Ilang araw na itong nawawala matapos niyang parentahan.
Nang masigurong pag-aari niya ang kotse, agad siyang nakipag-ugnayan sa istasyon ng pulisya sa lugar.
Sa isinagawang komprontasyon ng mga awtoridad, sinabi ng kasalukuyang nagmamaneho ng sasakyan na isinanla lang daw ito sa kaniyang anak sa halagang P200,000 matapos umanong matalo sa casino ang isang nagpakilalang “Ruth.”
Dito, nadiskubre ni Eric na mayroong gumamit ng kaniyang pangalan para maisanla ang kotse.
Pagdating sa Maynila, inilapit ni Eric sa BITAG ang reklamo. Agad namang tumulak ang BITAG Investigative team at natunton ang pinagsanlaan ng kaniyang sasakyan.
Dahil mayroon siyang mga dokumento, nabawi niya ang sasakyan sa pinagsanlaan ng kotse.
Subalit, makalipas ang ilang araw, isang text message din ang natanggap ng kamag-anak ng biktima.
Ayon sa nagpakilalang si Rose, naghahanap daw siya ng mga sasakyang pwedeng rentahan sa loob ng tatlong araw. Lingid sa kaalaman ng suspek, hulog na siya sa patibong ng BITAG.
Panoorin ang advance screening ng “Rentangay” mamayang alas-6:00 ng gabi sa bitagtheoriginal.com.