Sampolan, kaso ng hazing
PAULIT ulit na lang ang hazing sa fraternity at may namamatay. Ang fraternity ay hindi naman maituturing na masama. Sa katunayan, ito ay mga grupong maaaring magtulungan kapag sila ay mayroon ng mga kanya-kanyang propesyon pero ang ikinasasama ay ang hazing.
Kailangan daw kasi na pahirapan ang isang papasok sa fraternity upang tumibay ang samahan ng grupo. Pero maraming pamamaraan na puwede namang gawing pagsubok upang masukat ang katapatan at kapatiran sa grupo.
Hindi dapat humantong sa pananakit o bayolenteng pamamaraan tulad ng hazing na humahantong pa sa kamatayan.
Muling naulit ang hazing kay Guillo Cesar Servando, 18, estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde na pinaniniwalaang namatay sa kamay ng mga miyembro ng Alpha Kappa Rho fraternity.
Paulit-ulit na lang ito kahit mayroong Anti-hazing law. Panahon na upang sampolan ang mga sangkot sa hazing at tiyakin na magiging mabilis ang pagpapataw ng parusa upang maibigay ang katarungan sa biktima.
Kung magiging mahigpit lang ang pagpapatupad sa batas, mawawala na ang hazing sa mga nagnanais makabilang sa fraternity.
Sana, magbago na ng sistema ang mga fraternity at hindi na kailangang manakit para lamang masukat ang katapatan sa grupo.
Hindi naman puwedeng ipagbawal ang fraternity dahil karapatan ito ng sinuman. Dapat binabantayan ito ng pangasiwaan ng bawat paaralan.
- Latest