ISA sa mga iniidolo ko si Chef Pablo “Boy” Logro. Una ko siyang nakilala nang mag-guest ako sa Kusina Master sa GMA 7. Makalipas ang mahigit isang taon, sa Idol sa Kusina naman ako nag-guest. Mas na-enjoy ko ang pangalawang pagkakataong ito dahil magkakilala na kami. Nabuksan ang interes kong matutong magluto. Dahil kung sa pagiging panauhin pa lamang sa show niya ay marami na akong natututunan lalo na kung ako ay magiging mag-aaral niya. Humingi ako ng scholarship sa kanya kaya ngayon ay proud student ng CLICKS (Chef Logro’s Institute of Culinary and Kitchen Services, Inc.) para sa baking at cooking classes.
Napaka-humble ni Chef Boy at maraming nai-inspire sa kanyang buhay. Hindi niya nalilimutan ang pinagdaanang hirap ng buhay. Nagsimula siya bilang tagahugas ng mga kaldero. Unti-unti siyang natuto sa kusina dahil sa pag-aabsent ng kanilang kusinero. Nang marami na siyang nalalamang lutuin, naglakas-loob siyang mag-apply bilang kusinero sa ibang bansa. Nang araw na aalis siya patungong ibang bansa ay manganganak ang kanyang may-bahay na si Tita Mely. Itinuloy niya ang pag-alis.
Tiniis niyang mawalay sa asawa at anak dahil ang nasa sa isip niya ay ang magiging kinabukasan ng kaniyang pamilya.
Walang nasayang sa pagsisikap at pagsasakripisyo ni Chef Boy. Alam n’yo bang siya ang kauna-unahang Pilipinong Executive Chef ng isang 5-star hotel sa Maynila? Elementarya lamang ang natapos ni Chef Boy at talagang ipinagmamalaki niya iyon. At dahil din sa kanyang puspusang pagluluto, nagustuhan ng Hari ng Oman ang kanyang bersyon ng adobo kaya naging personal and private chef siya nito.
Sa tingin ko, blessed si Chef Boy. Biniyayaan dahil mabuti siya. Ang tanging hangad niya ay makatulong sa pamilya at sa mga kabataan. Patuloy siyang nagpupundar para sa kinabukasan ng kanyang mga anak at mga kabataang nangangarap na maging “Boy Logro” rin. Kabubukas ng restaurant niya sa Muntinlupa at tinatapos ang Davao branch ng CLICKS.
Bago ko malimutan, birthday nga pala ni Chef Boy. Maligayang kaarawan po sa iyo. Sana patuloy kang magbigay ng inpirasyon sa mga kabataan at dalangin kong magkaroon ka nang mahabang buhay.