FLASH Report: Nagbukasan na ang illegal gambling sa Maynila matapos maitaas ang weekly tara ni MPD director Chief Supt. Rolando Asuncion sa P400,000. Kaya pala ipinairal maigi ni Asuncion ang no take policy ni DILG sec. Mar Roxas ay dahil sa P250,000 weekly lang ang natatanggap niya sa Tuliao brothers na mga bagman n’ya. Sinabi ng mga kosa ko na dati aabot sa P500,000 weekly ang laman ng MPD subalit halos kalahati ang ibinukol ng Tuliao brothers sa amo nila kaya nakangiting tinanggap ni Asuncion ang P400,000 weekly payola. Kung meron si Asuncion tiyak meron din ang City Hall, di ba Mayor Erap Estrada Sir? T’yak ‘yun!
Dismayado si PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima dahil sa walang ni isa man lang sa regional director niya ang pumasa sa iniatang niyang trabaho -- ang pagbaba ng crime incidents sa jurisdiction nila. Kasi nga habang patuloy ang pagtaas ng crime incidents sa bansa, ang palaging sinisisi ay ang liderato ni Purisima.
Kaya nagbanta si Purisima sa isang command conference noong nakaraang Lunes na sisibakin niya ang mga regional directors na puro nag-aabang lang ng grasya sa opis nila at nakalimutan nang magtrabaho. Kaya nag-aabang ako kung sinu-sino ang titigpasin na regional directors sa Hulyo, ang taning na ibinigay sa kanila ni Purisima. Hehehe! Magtrabaho kayo uy!
Dahil ang mga krimen sa ngayon ay makabago na dahil sa gadgets, nais ni Purisima na ang mga pulis ay mag-adapt na din sa situation. Nais niyang ang mga regional directors ay mag-submit ng totoong crime incidents sa lugar nila, pag-update ng eRogues sa pamamagitan ng pag-upload ng mga litrato ng mga kriminal sa computer at paghuli ng wanted persons, at sa pagpataas ng conviction rate nila sa korte.
Matapos makita ang report ng kanyang regional directors, naunsiyami si Purisima dahil ni isa man lang sa kanila ay hindi pumasa, hehehe! Mainit na nga ang panahon eh lalong nagdagdagan dahil sa bokya ang kapulisan sa kampanya laban sa kriminalidad, di ba mga kosa? Mismo!
Sa aspeto ng pag-serve ng arrest warrant, nakita ni Purisima na may region na mahigit 1,000 ang dapat i-serve nila subalit halos 300 lang ang ikinalat. Sa fingerprint naman at sa eRogues kararampot lang ang ipinorward na mga datos kaya ang suspetsa ni Purisima hindi marunong ang kapulisan sa aspeto ng computer o dili kaya’y tamad lang sila.
Sa conviction rate naman, marami pa rin ang mga pulis na hindi nag-aappear sa korte tuwing hearing kahit marami na sa hanay nila ang nadismis dahil sa kapabayaan.
Kaya happy ngayon ang mga “floating†general sa PNP dahil kapag hindi magampanan ng regional directors ang kanilang trabaho come July may pag-asa silang makaupo sa puwesto.
Pero sa tingin naman ng mga kosa ko magiging mahirap na ang kalagayan ng mga papasok na RD dahil sa may parameters na silang dapat sundin di-tulad noon na pakuya-kuyakoy lang sila sa air-conditioned office nila at presto ---- may laman na ang bulsa nila tuwing Lunes o Martes, di ba mga kosa? Masawata kaya ni Purisima ang problema tungkol sa krimen sa programa o parameters na ibinigay niya sa mga RD? Abangan!