EDITORYAL - Para iwas-dengue: Maglinis ng bahay at paligid

TAG-ULAN na ayon sa dineklara ng PAGASA noong nakaraang linggo. Nagdidilim na ang kala­ngitan, gumuguhit na ang kidlat at kumukulog tuwing hapon. Mayroon nang bagyong pumasok at inaasahang sa mga susunod na araw ay wala nang patlang ang pag-ulan. Mapupuno ng tubig ang mga basyong bote, tinapyas na goma, mga paso ng halaman at kung anu-ano pang lalagyan ng tubig. Magkakaroon na rin ng tubig ang mga natuyong kanal, aapaw ang estero at mga drainage.

At kapag nangyari ang mga ito, buhay na naman ang mga lamok lalo na ang Aedis Aegypti. Ito yung lamok na ang katawan ay may guhit na itim at puti na parang sa tigre. Ang lamok na ito ang naghahatid ng nakamamatay na dengue. Nangangagat sa araw ang lamok na ito. Ayon sa Department of Health (DOH) ngayong taon na ito, mula Enero 1 hanggang Mayo 31, nasa 23,867 na kaso ng dengue na ang naitala. Pinakamaraming kaso sa Central Luzon, sumunod ang Calabarzon at Eastern Visayas. Lagnat na tumatagal na isang linggo at may mga pantal-pantal sa katawan ang sintomas ng dengue. Kapag lumitaw ang mga sintomas na ito, dalahin agad sa ospital ang pasyente para mabigyan nang agarang lunas. Huwag ipagpaliban ang kalagayan ng pasyente.

Ang paglilinis sa bahay at paligid ang solusyon para makaiwas sa dengue. Wasakin ang pinamumugaran ng mga lamok. Alisin o itapon ang mga basyong bote, goma at mga paso. Huwag magsasampay ng damit sa madilim na bahagi ng bahay. Linisin ang mga kanal at drainage. Bago pa makapaminsala ang mga lamok, puksain na sila. Ang pagiging malinis ang panlaban sa nakamamatay na dengue.

 

Show comments