Libro na gawa sa balat ng tao, nadiskubre sa Harvard Library!
ISANG pambihirang libro sa Harvard University ang nadiskubre na may kahindik-hindik na sikreto. Natuklasan ng mga dalubhasa na ang balot o pabalat nito ay gawa sa balat ng tao! Nalaman ito dahil sa kakatwang mensahe na nakasulat sa libro.
Ang libro ay may paÂmagat na “Des destinees de l’ame†na ang ibig sabihin sa French ay “kapalaran ng kaluluwaâ€. Noong 1930s pa nasa Houghton Library ang libro kung saan kasama nito ang ilan pang kakaibang libro na nakolekta ng Harvard.
Sinasabing isinulat ang libro noong 1880s at ibinigay ng may-akda ang libro sa kanyang kaibigang doktor. Ang doktor naman ang nagbalot sa libro gamit ang balat ng tao. Sinasabing bangkay ng isang pasyente sa mental hospital na walang umaangkin ang pinagkunan ng balat na ipinambalot sa libro.
Nagsimulang magkainteres sa pinanggalingan ng libro dahil sa isang mensahe na isinulat ng doktor. Nakasaad sa mensahe na ginawa ng doktor na balutin sa balat ng tao ang libro dahil naniniwala siya na ang isang libro na tungkol sa kaluluwa ng tao ay nararapat lamang na magkaroon ng pabalat na galing din sa tao. Dagdag pa ng mensahe na huwag sanang lalagyan ng kahit anong palamuti ang pabalat ng libro dahil sa sensitibong materyales nito.
Kahindik-hindik man ang kakaibang pabalat ng libro, hindi raw kakaiba ang mga librong may pabalat na galing sa balat ng tao ayon sa mga dalubhasa. Pangkaraniwan na raw itong gawain noong unang panahon at ang madalas na pagkuhanan ng mga balat na ginagamit sa pagbabalot ng libro ay ang bangkay ng mga binitay na kriminal.
Gayunpaman, pambihira pa rin ang “Des destinees de l’ame†dahil ito lamang ang kaisa-isang libro sa koleksyon ng Harvard University na napatunayang nakabalot sa balat ng tao.
- Latest